INC para kay Bongbong
jsy publishing
May 6, 2016
News
PORMAL nang inendoso ng Iglesia Ni Cristo (INC) sina Davao City Mayor at presidential candidate Rodrigo Duterte at Senator Ferdinand Bongbong Marcos Jr., na tumatakbo sa pagka-bise presidente.
Inianunsiyo ito sa pamamagitan ng INC circular na binasa mismo ng kanilang executive minister na si Eduardo Manalo sa kanilang linggohang “worship service” kahapon.
“Ito ay base sa mga aral sa Biblia na itinuro sa atin bago pa tayo tinanggap bilang miyembro ng Iglesia Ni Cristo. Sumasampalataya tayo na itinuturo ng Diyos na hindi tayo dapat nagkahati-hati manapa tayo ay nararapat na nagkakaisa sa pag-iisip at pagpapasya,” ani Manalo.
Ayon sa executive minister, ibinase niya sa isang bahagi ng Biblia, sa 1 Corinthians 1:10 at Romans 15:6 na mahalaga umano ang iisang boses upang mapatatag ang kanilang samahan na isa sa mga turo ng Diyos.
“In the name of Jesus Christ, for the glory of God and for the sake of the church,” wika ni Manalo.
Sinabi ng ministro na ang sample ballot na naglalaman ng mga pangalan ng national at local candidates na iboboto ay ibibigay sa mga kapatiran bago ang botohan.
Nagsimula na ang mga aktibong kasapi ng Iglesia na i-post noon pang Miyerkoles ng gabi kung sino ang kanilang kandidato sa pagka-pangulo.
Walang komento ukol dito mula kina Duterte at Marcos, kahit si Marcos, na ang ama, ang diktador na si Ferdinand Marcos, ay nananatiling sinusuportahan ng sekta.
Una nang lumutang ang mga balita noong nakaraang linggo na si Marcos ang susuportahan ng INC pero agad itong itinanggi.
Nabatid na kilala ang INC sa bloc voting o pagboto sa isang partikular na kandidato base sa utos ng kanilang liderato.
Aabot sa 1.7 milyon ang miyembro ng INC sa buong bansa.