Chiz Workers’ VP
Hataw News Team
May 3, 2016
News
TATLONG pangunahing grupo sa sektor ng manggagawa noong Araw ng Paggawa ang namanata ng suporta sa kandidatura ng independent vice presidential candidate na si Sen. Chiz Escudero kasabay ng pahayag ng huli na sa ilalim ng “Gobyernong may Puso” ituturing na “katuwang ang mga manggagawa sa pag-unlad” ng bansa at prayoridad ang kanilang kapakanan.
Sinabi rin ni Escudero, matapos makuha ang suporta ng Buklurang Manggagawang Pilipino, Kilusang Mayo Uno at Partido ng Manggagawa, itutulak nila ng kanyang katambal na si Sen. Grace Poe ang mga polisiyang para sa mga manggagawa upang tiyakin na hindi maiiwan sa pag-unlad ang sektor ng paggawa.
Ayon kay Escudero, “dapat ang tingin sa mga manggagawa ay hindi po kasangkapan lang ng negosyo, partner dapat sila ng mga negosyante.”
“Kasabay dapat sila sa paglago ng kompanya’t negosyo. Dapat may pakiramdam at malasakit ang mga negosyante sa kanilang mga empleyado.”
Ilang beses na rin nanawagan si Escudero para sa mas mababang buwis sa mga manggagawa, ang pagpapatupad ng tunay na minimum wage law, at ang pagbuwag sa labor contractualization para bigyan ng seguridad sa matatag na empleyo ang mga manggagawa.
“Titiyakin natin na lahat ng manggagawa sa bansa ay susuweldohan ng kasalukuyang minimum wage at paparusahan ang mga employer na kinukupitan ang kanilang mga empleyado,” ayon sa Bicolanong mambabatas.
Paliwanag ng senador, hindi man maipangako ng pamahalaan ang pagtaas ng pasahod ng manggagawa sa pribado at pampublikong mga sektor, nasa kapangyarihan nito ang pagpapababa ng income tax upang palakihin ang take home pay ng mga manggagawa at tulungan silang tustusan ang tumataas na presyo ng pamumuhay.
Ayon sa beteranong mambabatas at may-akda ng RA 9504 – na nagtanggal ng buwis sa mga kumikita ng minimum wage – ang pagtatanggal ng income tax na nasa 32% na pinakamataas sa Asya ang pinakamabisang paraan para ibsan ang pasanin ng mga suweldohang manggagawa. Nasa 39 milyong katao ang nasa sektor ng paggawa at 36 milyon ang nasa pribadong bahagi ng lipunan.
Para sa mga manggagawang may regular na trabaho at tiyak ang panunungkulan, sinabi ni Escudero na tatapusin sa ilalim ng pangasiwaang Poe ang labor contractualization sa pamamagitan ng repeal ng Department of Labor and Employment (DOLE) order tungkol dito.
“Sa ilalim ng Saligang Batas, ginagarantiya ang security of tenure. Kailangan lang i-repeal ang isang department order ng DOLE na binuksan ang pintuan at bintana para maging legal ang contractualization,” giit ni Escudero.
“Kailangang iutos lang ng Pangulo sa DOLE Secretary niya na i-repeal ang Department Order No. 18, series of 2011, endo na ang endo, bawal na ang contractualization.”