P36-M CA ni Recom illegal – COA
Hataw News Team
May 2, 2016
News
ILEGAL.
Ito ang hatol ng Commission on Audit (CoA) matapos suriin ang P36-milyong cash advance ni Enrico “Recom” Echiverri noong siya pa ang nanunungkulan bilang mayor ng Caloocan City.
Si Echiverri ay kumuha ng P36-milyon pondo ng lungsod bilang umano’y intelligence and confidential fund (ICF) noong Pebrero 2010, na wala man lamang basehan.
Sa ipinalabas na Notice of Disallowance ni Flerida Jimenez, Head, Intelligence and Confidential Funds Audit Unit ng COA, may petsang March 3, 2015, sinabi na nakapagpalabas ng pondo si Echiverri na walang approval ng Office of the President, walang basehan dahil walang Peace and Order Program sa Annual Budget, walang ipinakitang pinagkagastusan dito, at pati na ang disbursing officer ay hindi nararapat, at ito ay paglabag sa DILG Memorandum 99-100.
Isinasaad sa DILG Memo 99-100, ang Philippine National Police (PNP) Regional Director lamang ang maaaring maging Special Disbursing Officer (SDO) para sa intelligence funds, pero ang ginawa ni Echiverri ay ginawang SDO si Ruby Enorme, isang empleyado sa Mayor’s Office.
Notice of Disallowance ang tawag sa hatol ng COA laban sa mga opisyales at kawani ng pamahalaan na sangkot sa mga maanomalyang transaksiyon, na inaatasan ang mga sangkot na isauli ang pera sa gobyerno.
Ang kasong ito ng ICF ay bukod pa sa patong-patong na kaso ni Echiverri na iniakyat sa Ombudsman, gayon din ang tambak na Notice of Disallowances mula sa COA, tungkol sa mga pondong lumabas sa Caloocan City Hall noong siya pa ang mayor, sa ‘irregular’ na paraan.
Nahaharap ngayon si Echiverri sa mga kasong kriminal gaya ng malversation, technical malversation, violation of the Anti-Graft and Corrupt Practices Act, violation of Procurement Law, falsification of public documents, at maraming iba pa, gayon din ang kasong administratibong Grave Misconduct.
Matatandaan na pumutok din kamakailan ang hatol ng COA sa P81-milyon ipinalabas ni Echiverri, bahagi rito ay ipinambili ng mga plastic na basurahan na nagkakahalaga ng P29,600 bawat isa, gayon din ang P72-milyon na ipinambili ng ‘bogus’ na insurance, na ayon sa COA ay pawang mga ilegal.
Ang summary ng lahat ng ilegal na transaksiyon ni Echiverri ay nakalathala sa website ng COA.