Ali Atienza nasakripisyo (Sa pagbalimbing ng tatay)
Hataw News Team
May 2, 2016
News
“MISMONG si Congressman Lito Atienza ang sumisira sa kandidatura ng kanyang anak na si Councilor Ali Atienza!”
Ito ang malungkot na reaksiyon kahapon ng mamamayan ng Maynila kaugnay sa pagbubunyag ni Manila Mayor candidate Alfredo Lim sa umano’y ‘pagbaligtad at pagbalimbing’ ni Cong. Atienza sa katambal ng kanyang anak para sa pagka-Mayor na si 5th district Cong. Amado Bagatsing.
Ayon kay G. Dizon, isa sa district officer ng grupong Kababaihan ng Maynila na itinatag ni Cong. Atienza, mistulang hinihila pababa ng kongresista ang ratings sa survey ni Ali Atienza na ngayon ay tumatakbo bilang bise-alkalde katambal ni mayoralty candidate, three termer, 5th district Congressman Amado S. Bagatsing sa ilalim ng “Ang Bagong Maynila Coalition-Team KABAKA.”
Malaki rin umano ang magiging epekto sa kandidatura ng batang Atienza ang ginawang hakbang ng kanyang ama, dahil tiyak umanong mababawasan ng malaking bilang ng boto si Coun. Atienza na sa huli ay posibleng ikatalo niya sakaling pagkaisahan na huwag iboto ng tinatayang 160,000 miyembro at opisyal ng grupong KABAKA o Kabalikat ng bayan sa Kaunlaran Foundation na itinatag ni Cong. Bagatsing,
Bukod rito, sariwa at hindi pa rin umano nalilimutan ng mga miyembro ng “Kababaihan ng Maynila” ang umano’y ginawang pagbabanta, pagbaboy, pang-iinsulto at pag-aakusa ng pandaraya sa buong angkan ng Atienza noong 2007 local election.
“Mukhang nalimutan na ni Cong. Atienza kung paanong binantaan, binaboy, ininsulto at inakusahang nandaraya sa eleksiyon ang pamilya Atienza kasama ng grupong Kababaihan noong magkaharap sila noong 2007 election. Kaya hindi lang malaking insulto para sa mga Manilenyo na naghahangad ng tunay na pagbabago sa Maynila ang pagbalimbing niya kay Lim, kundi maging sa kanyang anak na si Coun. Ali at sa buong angkan ng Atienza at miyembro ng Kababaihan ng Maynila,” pahayag ni Dizon.
Samantala, sinabi ni Bagatsing, hindi umano papa-apekto ang tambalan nila ni Ali Atienza para sa darating na May election, na layon ng kanilang plataporma na muling isalba ang mamamayan ng Maynila sa kahirapan at patuloy na pagkababoy ng lungsod.
“Kung ano ‘yung stand at sinabi ni Congressman Lito Atienza, we don’t care, it doesn’t affect kung ano ang usapan namin ng anak niya (Councilor Ali Atienza). Ano’t ano pa man, ang usapan sa labas at ginagawang panlilito ng kampo ni Lim, ang importante rito ay buo pa rin ang usapan namin. We are still one and unite in one advocacy. So far maganda pa rin ang usapan namin ni Councilor Atienza together with congressman candidate Manny Lopez, re-electionist Cong. Carlo Lopez and Congresswoman Sandy Ocampo,” pahayag ni Bagatsing.
Magugunitang nabuo ang tambalan nina Cong. Bagatsing at Coun. Atienza sa ilalim ng “Team KABAKA Para Sa Bagong Maynila Coalition” sa pangarap na ibalik ang dating ganda at sigla ng lungsod at iahon sa pagkakalugmok sa kadiliman at kahirapan kasama ng ilan pang mga anak ng mga dating mahuhusay na naging Mayor at Congressman ng Maynila na sina congressman candidate Manny Lopez, anak ni dating Mayor Mel Lopez, 2nd dist., at 6th district re-electionists Cong. Carlo Lopez at Congresswoman Sandy Ocampo na anak naman nina dati at namayapang sina Congressmen Jim Lopez at Pablo Ocampo.