Alan suportado ng ANAKALUSUGAN Party-List
Hataw News Team
May 2, 2016
News
NAPAGPASYAHAN ng #12-Anakalusugan Party List na pinangunguhahan ng kanilang First Nominee Marc Caesar Morales na kanilang ibibigay ang buong puwersang suporta kay Senador Alan Peter Cayetano, kandidato sa pagka-bise presidente, sa darating na halalan sa Mayo 9.
Ipinahayag din ng grupo ang kanilang taos-pusong pagtitiwala sa kakayahan ng mga sumusunod na senatoriables: Martin Romualdez, Sandra Cam, Leila de Lima, Richard Gordon, TG Guingona, Migz Zubiri, Ping Lacson at Manny Pacquiao.
Layon ng #12-Anakalusugan na palakasin ang bansa at bawat Filipino sa pamamagitan ng pagbigay ng makabagong programang pangkalusugan at pang-edukasyon.
Ayon kay #12-Anakalusugan National Campaign Manager Eduardo Morales, napahanga sila sa ipinapakitang fighting spirit at determinasyon ni Cayetano sa kanyang trabaho sa Mataas na Kapulungan, kaya karapat-dapat si Cayetano sa puwestong bise presidente, lalo na’t kailangan siya ng bansa tungo sa pagbabago at kaunlaran.
“Kami ay kompiyansa sa misyon ni Cayetano na lalong paigtingin ang proteksiyon para sa kalikasan. Ganoon din sa kanyang malakas at matatag na political will sa pagtatanggol ng pambansang soberanya mula sa ano mang banta ng ibang bansa,” dagdag ni Morales.
Bilang isang tagapaglingkod na matagal na sa serbisyo, napatunayan ni Cayetano na siya ay tunay na mabagsik na kawaay ng graft and corruption sa pamahalaan, at sa kanyang walang habas na pagpapahayag ng mga saloobin laban sa sari-saring negatibong isyung kinahaharap ng Filipinas.
“Ang #12-Anakalusugan Party List ay magiging kabalikat ni Vice President Alan Peter Cayetano sa pakikipagtulungan para sa karapatan ng bawat pamilyang Filipino sa mas maginhawang pamumuhay at maayos na pagbabago sa sistema sa bansa,” ayon kay Morales.