2 gobernador sumuporta pa kay Grace (Lipat Poe-More)
Hataw News Team
April 29, 2016
News
DALAWANG gobernador mula sa magkaibang partido ang nagpasiyang sumama at ihatag ang kanilang suporta para kay presidential candidate Senadora Grace Poe.
Nagdesisyon na sumama si Governor Ruth Rana Padilla ng Nueva Vizcaya para ipadama ang kanyang paniniwala sa kakayahan ni Poe bilang Punong Ehekutibo ng Republika ng Pilipinas pagkatapos ng May 9 elections.
Sumunod din si dating Gov. Amor Deloso ng Zambales, na dating kabilang sa Liberal Party ni Mar Roxas, na nagbigay ng kanyang tapat na pagsuporta sa standard bearer ng Partido ng Galing at Puso coalition.
Para kina Padilla at Deloso, isang matibay na ehemplo si Poe na may katatagan at talino upang ipaglaban hindi lamang ang karapatan at dignidad ng bawat kababaihan, gayon din ang pagbabalik ang kaayusan at tamang pamumuno ng bayan tungo sa higit pang ikauunlad ng Filipinas.
Binubuo ang koalisyon ng Partido Galing at Puso ng Nacionalista Party, National Unity Party, Nationalist People’s Coalition at Makabayang Koalisyon ng Mamamayan o Bayan Muna bloc.
Samantala, naunang nagtalunan ang limang incumbent governor ng Bicolandia na pinangungunahan nila Albay Governor Joey Salceda, Camarines Norte Governor Edgardo Tallado, Camarines Sur Governor Migz Villafuerte, Sorsogon Governor Raul Lee at Catanduanes Governor Cely Wong.
Ipinakita ng mga nasabing gobernador ang kanilang pagsuporta kay Poe nito lamang Lunes, Abril 25, sa Camarines Sur.
Inaasahang mahigit sa 3.1 million voters ang Bicol at hawak ng Camarines Sur ang 40% ng voting force ng Bicolandia.
“Siyempre tayo ay nagpapasalamat sa anumang suporta ng mga kaalyado natin o kahit na hindi natin kaalyado noon pero naniniwala rin sa ating plataporma,” pasasalamat ni Poe habang nangangampanya sa Pangasinan niong Lunes.