Resbak ni Oca: Malicious Prosecution
Hataw News Team
April 28, 2016
News
ISINAMPA ngayon sa piskalya ng Department of Justice (DOJ) ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ang reklamong “malicious prosecution” laban sa ginang na umano’y nag-imbento ng kaso laban sa alkalde.
Sa isinampang “Complaint-Affidavit” ni Malapitan laban sa umasunto sa kanya ng plunder na si Teresita Manalo, ang nasabing reklamo ay hindi nararapat, malisyoso, kasinungalingan at imbento na naglalayon lamang sirain ang kanyang malinis na pangalan.
Dagdag ni Malapitan, nakadisenyo ang reklamo na lokohin ang mga botante dahil dalawang linggo bago maghalalan nila isinampa ang reklamo para wala nang panahon na sumagot si Mayor Oca.
“Ang imbentong kasong ito ay para sa benepisyo ng kalaban kong tumatakbong mayor na si Recom Echiverri.”
“Ito ay maliwanag na maniobra ni Recom dahil wala siyang maipukol na totoong issue laban sa akin kaya nag-imbento na lamang siya ng kaso. Ito rin ang laman ng kanyang diskurso sa mga kampanya niya, bago pa man mag-file ng kaso,” dagdag ni Malapitan.
Sa kanyang sinumpaang salaysay sa piskalya, binigyang-diin ni Malapitan na wala ni isa mang ebidensiya si Manalo sa reklamong overpriced o P2,000 ang halaga ng birthday gift pack na ipinamimigay sa senior citizens. Nagsinungaling siya sa totoong nilalaman ng gift pack – sinabing kalahating kilo ang spaghetti sa halip na isang kilo, kalahating kilo ang spaghetti sauce sa halip na 1 kilo, isang lata ng corned beef sa halip na dalawang lata, pilit pinabababa ang presyo para ipilit ang imbentong overpricing.
Narito ang bahagi ng reklamo ni Malapitan: “2.4.4 The unit price of Php339, (not Php200) and the quantities of the goods comprising the Birthday Package are evidenced by the PURCHASE ORDER NO. 16-01-0025 dated 28 January 2016 (the Purchase Order) issued to supplier Puregold Price Club Inc., a copy of which is attached herewith as Annex “C” and made an integral part hereof. 2.4.5 The Purchase Order also indicates that the procurement of the Birthday Packages was made via Public Bidding. The supplier and the unit price were determined through rigid and public/open competitive bidding as mandated by R.A. 9184, as amended. 2.4.6 As respondent Manalo’s estimated unit cost of Php200 is clearly concocted and false, so must her claim that there is an overprice of Php140 per unit. 2.4.7 Finally, respondent’s accusation that Php49M is ‘missing’ as the City Government allegedly budgeted Php2,000 for each package, is utterly false and made up.
Idinagdag ni Malapitan na ang inirereklamong hindi natatanggap na Monthly Stipend na P500 ni Manalo ay programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at hindi ng pamahalaang lungsod, at wala siyang kinalaman.
Kapag napatunayang nagkasala sa “malicious prosecution” si Manalo ay maaaring makulong at pagmultahin ng korte ng malaking halaga ng salapi dahil sa moral damages, exemplary damages at attorney’s fees.
“Ang reklamong ito ay produkto ng kathang-isip lamang, walang katotohanan, buntis ng malisya at masamang layunin. Ito ay kasinungalingan at imbento lamang,” pahayag ni Malapitan.