Manipulasyon sa SWS Survey pabor kay Leni ibinunyag
Hataw News Team
April 28, 2016
News
IBINUNYAG ngayon ang sinabing posibleng pagmamanipula ng Social Weather Stations sa ginawang survey na nagpakitang lumundag nang husto ang rating ni Camarines Sur Cong. Leni Robredo sa unang pwesto upang maungusan ang palaging nangungunang si Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa pagkabise-presidente.
Sa kolum ni dating Press Secretary Rigoberto Tiglao sa isang pahayagan, sinabi niyang gumawa ng isang proseso ang SWS sa huling survey nito na hindi pa ginagawa sa mga nakaraang halalan.
Ani Tiglao, sa unang pagkakataon ginamit ng SWS ang secret balloting na ilalagay sa isang container ang mga boto. Ang mga balota naman ay bibilangin ng SWS sa isang lugar na sila lamang ang nakaaalam.
Ngunit ayon kay Tiglao sa pinakahuling survey, 5 percent ng balota ang hindi binilang dahil sa “invalid” mark. Hindi naman sinabi ng SWS, ayon kay Tiglao, kung ano ang mga invalid mark na ‘yun.
Ang pag-invalidate ng maraming balota, sinabi ni Tiglao, ay pagbaba naman ng rating ni Marcos at pag-akyat ni Robredo sa unang pwesto. Posible aniya na ang mga hindi binilang na balota ay kay Marcos.
Makikita sa lahat ng survey sa pareho ring mga araw, ang bagong SWS lamang ang nagpakita ng pagtaas ni Robredo ng 7 puntos na ayon sa mga batikang pollster ay napaka-imposibleng mangyari.
Sinabi rin ng Fernando Poe Jr. for President Movement na mukhang minamanipula ulit ng SWS upang paboran ang kandidato ng Malacañang katulad ng ginawa sa 2004 presidential elections.
Sinabi ni Manny Fortes, National Chairman ng FPJPM, katulad noong 2004 elections, ginawa din ng SWS ang ganitong style na pinataas ang kandidato ng Malacañang laban sa kanyang kalaban.
“Kung matatandaan ninyo, noong malapit na ang halalan, biglang si Presidente Gloria Macapagal Arroyo na ang lumamang sa Metro Manila pero sa final result, si FPJ and nanalo sa NCR nang malaking agwat,” sabi ni Fortes.
Sinabi na walang lohikal na eksplanasyon kung bakit tumaas si Robredo ng 7 porsiyento sa isang linggo lamang. “Talagang ino-operate na naman at ginagawa na naman nila ang ginawa nilang dayaan noon kay FPJ,” aniya.