Talo sa debate si Duterte (Taumbayan bumilib kay Grace Poe)
Hataw News Team
April 27, 2016
News
MAS lumaki ang paniniwala ng taumbayan kay Sen. Grace Poe sa huling presidential debate sa University of Pangasinan noong Linggo nang siya ang top choice ng mga political analyst at editors na pinaigting sa pananatiling mahinahon nang kanyang batikusin ang kawalang-galang ni Davao City Mayor Rodrigo “Digong” Duterte sa karapatan ng mga kababaihan.
Ayon kay Prof. Prospero de Vera, UP Vice President for Public Affairs, napakinang ni Poe ang kanyang sarili sa paraang mahinahon at nauunawaan ng mamamayan.
“Magaling na noong huling debate, magaling pa rin ngayon, siyempre si Grace Poe. Kasi ginamit niya ‘yung isyu ng ina, ‘yung babae,” ani De Vera. “Dahil ang daing ng mga nagtatanong ay panay daing tungkol sa buhay, tungkol sa anak, tungkol sa pamilya.”
Inamin naman ni Poe na hindi katanggap-tanggap para sa kanya ang magaspang na asal ni Duterte lalo sa isyu ng kababaihan.
“Napakasama at hindi ito katanggap-tanggap at inilalarawan lamang ni Duterte ang kanyang kawalang respeto sa ating mga kababaihan. Walang sinuman, kahit sino pa siya o anuman ang kanyang itsura ang dapat halayin o gahasain. Isang krimen ang rape at hindi ito dapat gawing katawa-tawa. Dapat lamang magkaisa at kontrahin ang anumang pang-aabuso sa ating mga kababaihan,” pahayag ni Poe.
“Sa natapos na debate, hindi ako pumayag na apihin pa rin niya ang mga kababaihan. Kailangan ay ipakita natin kung ano ang lakas ng isang babae, katulad din ng mga lalaki. Wala naman ‘yan sa kasarian e, nasa paninindigan, nasa tao ‘yan,” matigas na pinanindigan ni Poe.
Sinang-ayunan ng maliliit at mahihirap na sektor ng ating lipunan ang paniniwala ni Poe upang ipaglaban ang pang-aapi at pang-aabuso sa mga karapatan at dignidad ng mga kababaihan na kagaya ng ginagawang masamang ehemplo ni Duterte hindi lamang para sa mamamayang Filipino kundi higit pa para sa kapakanan ng mga kabataan.