Recom sabit sa P72-M Insurance Scam
Hataw News Team
April 26, 2016
News
IBINUNYAG ngayon na idineklarang ‘irregular’ na transaksiyon ng Commission on Audit (COA) ang mga biniling insurance ni Cong. Recom Echiverri noong siya pa ang mayor ng Caloocan, na nagkakahalaga ng P72 milyon.
Ayon kay Brgy. 62 Chairman at tumatakbong konsehal sa 2nd Dist. ng Caloocan na si Jerboy Mauricio, isinampa niya ang kasong malversation, violation of Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at paglabag sa Procurement Law sa Ombudsman laban kay Echiverri noon pang June 2015, dahil sa ma-anomalyang pagbili ng bogus na insurance na hindi naman napapakinabangan.
Kasabay nito, ibinunyag ni Mauricio na hindi lamang siya ang nagdemanda kundi 66 na kasong katiwalian pa ang kinakaharap ni Echiverri sa Ombudsman, kabilang ang falsification of public documents, overpricing, malversation, at maraming iba pa.
Ipinaliwanag ni Mauricio na walang awtorisasyon mula sa konseho si Echiverri na makipagkasundo sa Beneficial Life (BenLife) Insurance Co. sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement (MOA); walang appropriation ang project na ito mula sa budget ng pamahalaang lungsod, walang bidding na nangyari, at basta na lamang pumitas ng pondo mula sa lumpsum appropriation na ipinagbabawal din ng batas.
Iwinagayway sa media ni Mauricio ang Notice of Disallowance mula sa COA kaugnay sa transaksion na ito, na nagsasabing “ito ay irregular.”
“Ginawa nila ang anomalyang ito noong March 2013, dahil mukhang ramdam na nila noon, na hindi na sila makababalik sa puwesto, kaya gumawa na lamang sila ng pera, o kaya’y ginamit noong nakalipas na eleksiyon bilang pamamaraan ng pagbili ng boto,” ayon kay Mauricio.
“Ang Procurement Law ay itinatag para hindi kupitin ang pera ng bayan ng mga nasa gobyerno. Sa kasong ito, hindi nila sinunod ang batas, na-short-cut ang proseso dahil mukhang layon nito ay ibulsa ang pera ng bayan,” dagdag ni Mauricio.
Tatlong magkakahiwalay na demanda ang isinampa ni Mauricio laban kay Echiverri na kinabibilangan ng umano’y maanomalyang insurance para sa senior citizens (P11.3 milyon), barangay officials at tanod (P25.8 milyon), at barangay rescue volunteers (P34.4 milyon).
“Wala pong pamomolitika dito dahil June 2015 ko pa ito isinampa, konsehal po ang tinatakbohan ko at hindi po ako gumigiba ng kalaban kong konsehal kundi’y laban ito sa paglustay ng dating mayor ng buwis ng taong-bayan,” paliwanag ni Mauricio.
“Bahala na po ang Ombudsman kung pagsasama-samahin ang mga kasong ito at iaakyat ang reklamo sa kasong plunder, pero sa ngayon ay “for resolution” na at maaaring ano mang oras ay aakyat na ang kaso sa Sandiganbayan,” ani Mauricio.