Digong bumagsak sa rape joke (Grace Poe tabla na kay Duterte)
Hataw News Team
April 26, 2016
News
UNTI-UNTI nang nawawala ang kompiyansa ng sambayanang Filipino kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte dahil makaraan ang mahabang panahong pagpuwesto sa No.1 spot bilang presidential candidate sa May 9 elections, nakahabol na sa kanya si Senadora Grace Poe bilang top choice sa huling survey.
Nag-ugat ang pagbaba ng rating ni Duterte matapos gawin ang kontrobersiyal na biro sa panghihinayang niya na dapat sanang siya ang nakauna sa ni-rape-slay na Australian missionary na si Jaqueline Hamill noong 1989.
Sa isinagawang “Pulso ng Pilipino” survey ng Issues and Advocacy Center o The CENTER simula noong Abril 11 hanggang 16 mula sa 1,800 respondents sa buong bansa, dikit na dikit na ang bilang ng mga bumoto kina Duterte at Poe.
Mula sa dating 30 percent (%), bumaba sa 26.75 % ang nakuha ni Duterte, na ikinokonsiderang statistically tied na kay Poe na umangat naman sa 26.25 % mula sa dating 25 % lamang.
Hindi na rin ikinagulat ng maliliit at mahihirap na sektor ang pagbagsak ng rating ni Duterte, na natatanging presidential candidate na bumulusok ang approval rating ng mga respondent.
Sabi nila, natutuklasan na ng mamamayan at higit sa lahat ng mga botante ang kawalang paggalang ni Duterte sa mga karapatan at dignidad ng mga kababaihan hindi lamang sa Filipinas kundi maging sa mga dayuhan kagaya ng pambabastos kay Hamill na Australian citizen.
May mataas na 98% confidence level ang Pulso ng Pilipino survey ng The CENTER at may maximum margin of error na 2.5 percentage points.
Kapansin-pansin na malaki ang naging epekto ng mga sunod-sunod na kinasangkutang kontrobersiya ni Duterte kagaya na lamang ng pag-amin niyang binosohan niya ang kanilang natutulog na kasambahay, pagmura sa Santo Papa na si Pope Francis, pag-amin sa mga extra judicial killings sa Davao City at ang pagbibiro na dapat siya ang naunang gumahasa kay Hamill.
Ngunit sa lahat ng kontrobersiya, ang rape joke ni Duterte ang masasabing pinakamalalang pagpapakita ng tunay na katauhan ng alkalde. Dahil sa reaksiyon at pagkondena sa kanya ni Australian Ambassador Amanda Gorely at US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg tungkol sa nasabing masamang biro, nagbitaw ng salita si Duterte na puputulin niya ang diplomatic ties sa Australia at Estados Unidos.
“Kung magiging Pangulo ako, sige puputulin ko ang diplomatic ties natin sa Amerika at Australia,” sabi ng 71-anyos na si Duterte habang nangangampanya noon sa Kalibo, Aklan. “It would do well with the American ambassador and the Australian ambassador to shut their mouths. You’re not Filipinos. Shut up.”
Samantala, higit namang tumaas ang paniniwala ng taumbayan kay Senadora Poe dahil sa pananatili niyang mahinahon nang kanyang batikusin ang kawalang-galang ni Duterte sa karapatan ng mga kababaihan.
“Napakasama at hindi ito katanggap-tanggap at inilalarawan lamang ni Duterte ang kanyang kawalang respeto sa ating mga kababaihan. Walang sino man, kahit sino pa siya o ano man ang kanyang itsura ang dapat halayin o gahasain. Isang krimen ang rape at hindi ito dapat gawing katawa-tawa. Dapat lamang magkaisa at kontrahin ang ano mang pang-aabuso sa ating mga kababaihan,” pahayag ni Poe.
“Sa natapos na debate, hindi ako pumayag na apihin pa rin niya ang mga kababaihan. Kailangan ay ipakita natin kung ano ang lakas ng isang babae, katulad din ng mga lalaki. Wala naman ‘yan sa kasarian e, nasa paninindigan, nasa tao ‘yan,” matigas na pinanindigan ni Poe.
Inayudahan ng maliliit at mahihirap na sektor ng ating lipunan ang paniniwala ni Poe upang ipaglaban ang pang-aapi at pang-aabuso sa mga karapatan at dignidad ng mga kababaihan kagaya ng ginagawang masamang ehemplo ni Duterte hindi lamang para sa mamamayang Filipino kundi higit pa para sa kapakanan ng mga kabataan.