De Lima not qualified maging senador — Sanlakas
Hataw News Team
April 26, 2016
News
SINABI nitong Lunes ng isang kilalang multi-sektoral na koalisyon na hindi kuwalipikadong maging Senador si dating DOJ Secretary Leila de Lima dahil kasapi siya sa baluktot na pamamaraan ng pamumuno ng umano’y “Daang Matuwid.”
Ayon kay Leody de Guzman, first nominee ng grupong Sanlakas, taliwas sa adbokasiya ng “Daang Matuwid” ng administrasyong Aquino ang pinaggagagawa ni De Lima. Ilan dito ang pagkakait ng hustisya sa mga biktima ng summary execution kabilang ang mga tagpagtanggol ng karapatang pantao at mga miyembro ng media, patuloy na kawalan ng trabaho at underemployment, kontraktuwalisasyon, malawakang korupsiyon, pati na rin ang pagkupkop sa mga gumagawa ng katiwalian sa ilalim ng goberyong Aquino.
Umupo bilang DOJ Secretary si De Lima mula pa noong pamumuno ni Presidente Aquino. Bumitiw lang siya sa posisyon bilang paghahanda sa kandidatura bilang Senador.
Dagdag ni De Guzman, tagapangulo rin ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), kasapi si De Lima sa “kahindik-hindik at nakasusulasok na politikang dilaw ni Aquino, dating Sec. Mar Roxas at Cong. Leni Robredo.”
Ayon sa Sanlakas, hidi nila tatantanan si De Lima dahil sa kapabayaan niya sa pagpapatibay ng kaso laban kay Janet Lim Napoles, dating Masbate Governor Rizalina Seachon-Lañete, at dating APEC Rep. Edgar Valdez, kaya nakapagpiyansa sa kasong katiwalian na kinakaharap sa Sandiganbayan kakabit ng P10 milyon PDAF scam.
Giit ni De Guzman, peke at huwad na tagapagtanggol ng hustiysa at “good governance” si De Lima dahil minarapat niyang ambisyonin ang pagtakbo sa Senado kahit na makakasama niya sa kampanya ng administrasyon ang mga dating inusig at kinasuhan n’ya bunsod na rin ng maanomalyang PDAF scam ni Napoles.