Chiz manok ng OFWs (Tumaya sa pinakahanda)
Hataw News Team
April 26, 2016
News
HINDI pinalampas ang 18-taon track record sa gobyerno ni independent vice presidential bet Sen. Chiz Escudero sa pagsusuri ng overseas Filipino workers (OFWs) kaya inendoso ng 1.3 milyong miyembro ng Partido ng Manggagawa at Magsasaka (PMM) ng yumaong OFW Family Club party-list Rep. Roy Señeres ang beteranong Bicolanong mambabatas kasabay ng pahayag na siya ang pinakahanda at pinakakuwalipikado sa lahat ng kumakandidatong bise presidente.
Sa isang press statement na nilagdaan ng presidente at chairman ng PMM na si Atty. Jose Malvar Villegas Jr., ipinaliwanag ng partido ang mga nagbunsod sa kanilang itulak ang kandidatura ni Escudero at sa presidential bid ni Sen. Grace Poe.
Ang track record umano ng tambalang Poe-Escudero, ayon kay Villegas, ay nagpapakitang sila ang may mabigat na pagkiling sa mga manggagawa o “pro-labor.”
Bukod-tangi at hindi umano maaaring ipagtabi sa kanyang mga katunggali ang nagawa ni Escudero bilang mambabatas.
“Sa lahat ng mga kandidatong bise presidente, si Escudero ang pinakakuwalipikado dahil siya ang may pinakamaraming panukalang ipinasa na naging batas na umiiral na ngayon sa bansa,” ayon kay Villegas.
Maliban sa dami ng nilikha niyang batas, dagdag ni Villegas, si Escudero ang “consistent” at patuloy na ipinaglalaban ang kapakanan ng masa.
“Pinakikinabangan na ngayon ng mga obrero ang mga batas kung kaya si Escudero ang itinuturing na sentro ng pagpupunyagi ng mga manggagawa para sa mas maraming benepisyo, mas maayos na kalagayan sa pinapasukang trabaho, proteksiyon laban sa paglabag sa karapatang pantao, pantay na pamamahagi ng yaman ng bansa, paglansag sa mga monopolyo sa negosyo at ang karapatn sa paninirahan, pagkain at higit na pagkakataon sa edukasyon para sa pamilya ng mga manggagawa.”
Si Escudero ang may-akda at nag-sponsor ng RA 9504 na nagtatanggal ng bayaring buwis sa mga kumikita ng minimum wage. Iginiit din ng Bicolanong senador na prayoridad ng administrasyong Poe ang pagsasabatas ng karagdagang bawas-buwis. Ayon kay Escudero, ibababa umano nila sa 21% hanggang 24% ang tax rate mula sa kasalukuyang 30% hanggang 32 porsyento.
Dagdag niya, sa loob ng walo hanggang sampung taon, hindi na magbabayad ng buwis ang mga taxpayers na kumikita ng isang milyon pababa kada taon sa ilalim ng nasabing batas.
Nanawagan din si Escudero para sa malawakang benepisyo ng OFWs dahil dapat kinikilala at tinutumbasan ng gobyerno ang P1.3 milyong ipinapadala pabalik sa bansa kada taon.
Ayon kay Escudero, sa administrasyong Poe, P100 bilyon ang ilalaan upang tiyakin ang “portability” ng Philhealth, ang pagtatatag ng OFW pension fund at ang pagpapalawak ng OFWs legal assistance program.
Ang PMM ay tanyag sa dati nitong pangalan na Lapiang Manggagawa (LM). Itinatag noong Pebrero 3, 1963 at nakilala dahil sa kanilang krusada laban sa katiwalian sa gobyerno at bilang isa sa mga nagpetisyon sa maraming malalaking kaso sa hukuman gaya ng pagkakadeklara ng Korte Suprema sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) at Disbursement Acceleration Program (DAP) na labag sa Saligang Batas.