Salceda: Si Chiz ang VP ko (Baliktaran sa Bicol, Leni laglag)
Hataw News Team
April 25, 2016
News
TILA pangitain sa politika na yayanig sa bansa sa huling dalawang linggo bago ang halalan, sumabog nitong Biyernes ang anunsiyo ni Albay Governor at Liberal Party (LP) regional chairman Joey Salceda na susuportahan niya ang kandidatura ng kapwa Bikolano na si Sen. Chiz Escudero.
Ayon kay Salceda, ikinokonsidera niya sa kanyang pagpili ang 18-taong karanasan ng beteranong senador laban sa kongresistang si Rep. Leni Robredo.
Kasabay ng nasabing pahayag na tinatayang magbabago sa hugis ng politika sa Bicolandia, inihayag din ni Salceda ang kanyang pagbitiw sa LP, pagtakbong kongresista sa ikalawang distrito ng Albay bilang isang independent candidate at pormal na pakikipag-alyansa sa tambalan ni Sen. Grace Poe at Escudero.
Matatandaan na binalaan noong 2015 ni Salceda ang LP laban sa desisyong tapatan ng kapwa Bicolano ang kandidatura bilang bise presidente ni Escudero.
“VP na si Chiz ni Grace Poe. Nakalalamang siya kay Leni dahil hindi kaaya-ayang kalabanin ng isang Bicolano ang isa pang Bicolano,” ani Salceda matapos ideklara ni Escudero ang kanyang kandidatura sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan noong nakaraang Setyembre.
Ang nabanggit na desisyon ni Salceda ay nakikinitang magdadala ng magandang resulta sa tambalang Poe-Escudero mula sa Bicol Region dahil ito ang maaaring umpisa ng napipintong baliktaran ng mga pinunong lokal sa rehiyon.
Ang rehiyon ay kinabibilangan ng mga lalawigan ng Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Masbate at Sorsogon, at may kabuuang bilang na 3.1 milyong rehistradong botante.
Agad nagpaabot ng pasasalamat kay Salceda si Escudero dahil sa endoso ng Gobernador sa kanya at sa katambal na si Sen. Poe.
“Taps-puso ang aking pasasalamat sa pag-endo[r]so niya sa aking kandidatura at ni Sen. Grace.”
Ikinagalak ito ni Escudero at binigyang-diin ang halaga ng pakikipag-alyansa ni Salceda sa kanilang tambalan dahil sa impluwensiya ng Gobernador ng Albay sa buong Bicol region.
“Malaking tulak ito sa aming kandidatura dahil si Governor Salceda ay iginagalang at iniidolo ng mga lider sa Bicol at maging sa buong bansa,” dagdag ng senador.