Protesta vs Duterte patuloy
Hataw News Team
April 25, 2016
News
MATAPOS bawiin ang paghingi ng sorry ng kanyang kampo, lalong nag-init ang women’s groups laban kay Davao City mayor Rodrigo Duterte.
Nabunyag na ang paghihingi ng tawad sa kanyang pagbibiro na sana’y siya ang naunang mang-rape sa pinaslang na Australianang misyonaryo na si Jacqueline Hamil ay pakana lamang pala ng kanyang kampo.
Si Mayor Duterte mismo ang nagbulgar na hindi niya intensiyong humingi ng dispensa sa publiko at inilabas ng kampo niya ang pahayag bilang damage control.
Nakalipas na ang ilang harap mula nang nagsampa ng reklamo ang women’s groups laban kay Duterte sa sala ng Commission on Human Rights. Paglabag daw sa karapatan ng kababaihan ang patuloy na pambabastos ni Duterte kaya’t dapat lamang maparusahan. Ang ugali daw ni Duterte ay dapat kondenahin lalo’t may posisyon sa gobyerno dahil baka gayahin ng ibang kalalakihan.
Mura naman ang naging reaksiyon ng mayor nang tanungin siya tungkol sa kasong isinampa ng mga kababaihan laban sa kanya. “Ah human rights? Go to Hell!” ang sabi ni Duterte. Pati sa naging huling debate kahapon ng COMELEC sa Pangasinan ay hindi tinantanan ng women’s groups si Duterte, at sinalubong ng mahigit 1,000 kababaihan sa labas ng debate venue, na galit na galit na ipinoprotesta ang kanyang asal.
Lumabas na rin ang naging eksaminasyon ng isang batikang psychiatrist sa mental condition ni Mayor Duterte. Ayon sa report na isinumite ni Dr. Natividad Dayan sa Korte, mayroong diprensiya si Duterte sa pag-iisip kaya’t nahirapan ang asawa niyang si Elizabeth Zimmerman na maging matagumpay ang pagsasama nila.
Inamin ni Dr. Dayan na ineksamen niya si Duterte dahil sa kasong annulment na isinampa ng asawa laban sa kanya.
Idinetalye rin ni Zimmerman sa kanilang kaso kung ano ang mga pang-aabuso na ginawa sa kanya ni Duterte kaya’t napilitan makipaghiwalay sa mayor.