Batas Militar ibabalik ni Digong – Rosales (Justice system binabarya)
Hataw News Team
April 25, 2016
News
NAGKAKATOTOO na ang sinabi ng dating Commission on Human Rights (CHR) Chair Loretta “Etta” Rosales na ang sistema ng pamumuno ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang magsisilbing daan sa pagbabalik ng Martial Law noong rehimen ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.
Sa panahon ng kainitan ng pangangampanya ni Duterte, tahasan niyang sinasabi sa harapan ng kanyang mga supporters na papatayin o lilikidahin niya ang lahat ng mga taong nagpapahirap sa sambayanang Filipino. Inamin din ng alkalde na pumatay na siya ng ikinokonsidera niyang salot ng lipunan.
Labis itong ikinatuwa ng kanyang mga supporter dahil sa paniniwala sa kanyang plataporma na “Matapang na Solusyon at Mabilis na Aksiyon.”
Ngunit dito nanindigan si Rosales at noon pa man ay kinontra na ang mga sinasabi at mga ginawang aksiyon ni Duterte na hindi ikinubli ang kanyang kaugnayan sa Davao Death Squad, isang vigilante group na nagsasagawa ng extra judicial killings sa lunsod na kanyang nasasakupan.
“Mayor Duterte, hindi po ba kayo naniniwala sa EDSA Revolution? Hindi po ba kayo naniniwala sa demokrasya at katarungan? Pakisagot n’yo lang, dahil kung hindi mo kayang sagutin o hindi ka naniniwala at ipagpapatuloy mo ang extrajudicial killings, sa palagay ko dapat kaming mangampanya laban sa iyo,” sabi noon ni Rosales nang kapanayamin ng ANC.
Wala rin aniyang ipinagkaiba ang pagkakaugnay ni Duterte sa DDS sa pagkakapatay kay Benigno “Ninoy” Aquino noong panahon ni Marcos dahil iginiit ni Rosales na kapwa may command responsibility sina Duterte at Marcos.
Ayon kay Rosales, kahit may sakit pa at nakaratay sa banig ng karamdaman si Marcos, isinisi pa rin sa kanya ang pagkakapatay kay Aquino dahil sa command responsibility.
“Ano ang diperensiya no’n sa pagkakapatay kay Ninoy dito sa mga pinapatay nila, pinapaslang nila na mga inosente at walang kaalam-alam? Binabalewala ni Duterte ang kahalagahan ng criminal justice system,” anang dating CHR chair.
Ipinaliwanag ni Rosales na sa isang bansang demokratiko, dapat pa rin pairalin ang batas at hindi dapat dumaan sa personal lamang na desisyon.
Napakahalaga pa rin aniyang makamit ang katarungan sa tamang proseso ng isang sibilisadong lipunan.
“Hangga’t dumaraan ka sa proseso ng imbestigasyon, prosekusyon, pag-lilitis at kombiksiyon, itinuturing ka pa ring inosente batay sa ating batas. Pero ano ang ginagawa niya? Pinapatay na lang nila,” paliwanag ni Rosales.
Kinompirma pa ni Rosales na mayroon talagang extra-judicial killings na naganap laban sa mga bata at suspected criminals sa Davao base sa isinagawa nilang CHR investigation at ginawan nila ng resolusyon noong Hunyo 28, 2012.
“Si Mayor Duterte ang highest official sa Davao City at alam niyang may mga summary killings, pati pulis alam nilang may nangyayaring summary killings pero wala silang ginagawa tungkol doon,” kuwento ni Rosales.
“Pinagtatawanan lang ni Duterte at binabalewala niya ang ating criminal justice system. Nakaaalarma na at tingin ko nag-e-enjoy siya. Nagdudulot siya sa atin ng mabigat na presyur para ipakita na ang isang mataas na opisyal ng gobyerno na katulad niya, ang pinakamataas na lider ng Davao City ay makakayang magsalita ng kahit anong gusto niya at absuwelto pa siya kahit usapang patayan na o murder,” paglilinaw ni Rosales sa tila may abnormalidad na mga kilos at salita ni Duterte.