Duterte banta sa Press Freedom
Hataw News Team
April 22, 2016
News
KAUGNAY sa pagdiriwang ng World Press Freedom Week sa unang linggo ng Mayo, inihayag ng pamilya ng tatlong journalists na pinaniniwalaang pinaslang ng Davao Death Squad, banta sa kalayaan ng pamamahayag ang presidential candidate na si Rodrigo Duterte.
”Lalong magiging mapanganib ang trabaho ng mga diyarista sa oras na maupong pangulo ng republika ang dating alkalde ng Davao na obyus ang pagkamuhi sa mga bumabatikos sa kanya,” pahayag ng pamilya nina Jun Pala, Ferdy Lintuan at Rene Galope.
Ang tatlong mamamahayag ay naunang naiulat na pinaslang ng kilabot na grupong vigilanteng DDS sa lungsod ng Davao dahil sa umano’y walang puknat na pambabatikos kay Duterte noong mga unang termino niya bilang alkalde ng lungsod.
Ayon sa mga naunang ulat, sina Pala, Lintuan at Galope ay pinatay ng DDS makaraang ibunyag ang korupsiyon at baluktot na pamumuno ni Duterte sa Davao City.
“Gustong patahimikin ni Duterte ang mga mamamahayag na kumakalaban sa kanya at nagbubunyag ng kanyang mga kasamaan. Ang tingin niya sa aming mga anak ay mga criminal, gayong ginagawa lang nila ang kanilang trabaho,” pahayag ng ina ng isa sa mga biktima.
“Kapag nanalo siyang presidente ay nanganganib ang press freedom. Baka maulit sa ibang miyembro ng national media ang ginawa niya sa aming mga anak sa Davao,” aniya.
Duda rin ang pamilya ng mga biktima sa pangako ni Duterte na daragdagan niya ang proteksiyon ng mga journalist sa bansa kapag nanalo siyang presidente.
“Paano niya gagawin iyon, e ang tingin niya sa mga journalist ay ‘maiingay’ at ‘madadaldal’,” aniya.
Ang babala ay ginawa ng pamilya ng mga biktima, ilang araw bago ang eleksiyon ng National Press Club (NPC) sa Mayo 1, at ang World Press Freedom Day sa Mayo 3 na kinikilala ang mahalagang papel na ginagampanan ng malayang pamamahayag sa demokrasya.
Sa tala ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), may 170 journalists na ang pinaslang sa bansa mula noong 1986.