Take home pay ng obrero dagdagan — Chiz (Tunay na minimum wage ipatupad)
Hataw News Team
April 21, 2016
News
UPANG dagdagan ang iniuuwing buwanang kita ng mga manggagawa sa bansa, ang pagsasabatas ng Tax Relief Law ay nakatakdang mangyari kapag pinalad na pagkatiwalaan ng mamamayan bilang bise presidente sa susunod na halalan si independent vice presidential bet Sen. Chiz Escudero.
Kasabay nito, nagbigay-diin ang Senador na ang mga taxpayer ang may karapatan kung saan pupunta ang kanilang kita.
Sa ilang panayam sa South Cotabato, ipinaliwanag ng Bicolanong senador na ang pagbabawas sa bayaring income tax ay magandang alternatibo sa pagtaas ng suweldo.
“Layunin po namin, kung ‘di natin mapatataas ang suweldo, puwede po natin mapataas ang take home pay kung babaan natin ang buwis,” ayon kay Escudero.
Idinagdag ni Escudero na ang pagsasabatas ng Tax Relief Law ay gagawing prayoridad ng gobyerno sa ilalim ni Sen. Grace Poe dahil naniniwala sila na kailangan ng mga taxpayer ang karagdagang take home pay para sa kanilang pangangailangan araw-araw.
“Ipapasa agad namin ang Tax Relief Law na naglalayong ibalik sa taxpayer ang P30-B sa bulsa nila, para may pandagdag gastos po sila. Dahil sa totoo lang, mas alam natin kung paano gastusin ang pera natin kaysa paraanin pa sa gobyerno,” diin ng senador.
Ang antas ng bayaring buwis ay ibababa umano sa 21% hanggang 24%, ayon kay Escudero, mula sa kasalukuyang 30% hanggang 32 porsiyento.
Dagdag niya, sa loob ng walo hanggang sampung taon sa ilalim ng batas, wala nang buwis pang babayaran ang mga kumikita nang mas mababa sa isang milyong piso kada taon.
Idinaing ni Escudero, na siyang may-akda ng mga panukalang batas tungo sa tax reform, ang pagtutol ng gobyerno sa mga isinulong na panukalang magpapababa ng buwis sa kabila nang kawalan ng pagbabago sa tax brackets at antas ng pagbubuwis mula pa noong 1997.
Dahil patuloy na iniaangkop ang pasahod sa inflation o pagtaas ng presyo, mas maraming buwanan at karaniwang manggagawa ang napipilitang mabilang sa mas mataas na tax bracket, na nangangahulugan ng mas mataas na bayaring buwis.
Ang 32 percent na individual tax rate sa bansa na sinisingil sa mga kumikita kada taon ng P500,000 pataas ay pinakamataas sa Timog Silangang Asya at pampito sa pinakamataas sa buong Asya.
Aniya, ang seryosong pagpapatupad ng mga batas sa minimum wage ay bibigyang prayoridad ng administrasyong Poe.
“Titiyakin namin na minimum wage at least ang ibinabayad ng bawat kompanya sa kanilang empleyado.”
Si Escudero ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act 9504, na tuwirang nagtanggal ng bayaring buwis sa minimum wage earners.