Lim-Ali una sa PMP Survey
Hataw News Team
April 18, 2016
News
ISA na namang survey na isinagawa sa Maynila ang muling pinangunahan ng nagbabalik na alkalde ng Maynila Alfredo S. Lim at fifth district Councilor Ali Atienza.
Kapuna-puna na ang naturang survey ay nanggaling mismo sa kampo ng Puwersa ng Masang Pilipino (PMP) na pinamumunuan ni dating Pangulong Joseph Estrada na kalaban ni Lim sa politika.
Ipinakita sa nasabing survey na nanguna si Lim, matapos makakuha ng 41.2 percent. Malayong pangalawa naman si Congressman Amado Bagatsing na nakakuha ng 29. 3 percent at si incumbent Joseph Estrada na nakakuha lamang ng 27.1 percent.
Sa kabilang banda, si Atienza ay nakakuha ng 60.8 percent, na sinundan din nang malayo ni Honey Lacuna na nakakuha ng 20 percent. Si Lacuna ang kandidato para bise-alkalde ni Estrada.
Ang nasabing ‘survey results on voters with biometrics’ ay isinagawa mula Pebrero 1 hanggang Marso 5 (2016) sa sixth district ng Maynila at may 5,084 respondents.
Ang actor-comedian na si Lou Veloso, na muling tumatakbong konsehal sa sixth district ang siya namang nangunga sa mga kandidato para konsehal nang makakuha ng 87.5 percent. Ang bagitong si Atty. Jeremiah Belgica ay pasok din sa ‘Magic 6’ na nakakuha ng 52.6 percent. Sina Veloso at Belgica ay parehong kaalyado ni Lim.
Bago ang nasabing survey, nanguna rin sina Lim at Atienza sa survey na isinagawa ng United Nationalist Alliance (UNA) sa buong lungsod, na 4,800 ang respondents.
Si Lim ang nanguna sa hanay ng mga tumatakbo para alkalde nang makakuha ng 42.0 percent, kasunod si Bagatsing, 35.6 percent at Estrada, na nakakuha lamang ng 19.5 percent.
Si Atienza ang nakakuha ng pinakamataas sa mga tumatakbong bise-alkalde ng Maynila, nang makatanggap ng 58.8 percent, na sinundan ni Rep. Atong Asilo na nakakuha ng 17 percent; Honey Lacuna Pangan, 12.4 percent at Trisha Bonoan, 9.0 percent.
Si Lim ay tumatakbong alkalde sa ilalim ng Liberal Party (LP) ng administrasyon at hindi sa ilalim ng UNA o ano mang partido na kaalyado ng oposisyon gaya ng PMP.
Ang kanyang palagiang pangunguna sa mga survey ay nag-uugat sa kanyang planong ibalik ang mga libreng serbisyo sa ospital na kanyang pinasimulan at nawala nang siya ay umalis ng City Hall, gayondin ang libreng serbisyo sa 59 barangay health centers at 12 lying-in clinics o paanakan, gayon din ang pagtitiyak na kanyang ibabalik sa lumang presyo ang mga buwis at amilyar bago pa ito itaas ng kasalukuyang administrasyon nang may 200 porsyento.
Si Atienza ay kilala sa paglaban sa mga hakbang at ordinansa na maaaring magdulot ng pahirap sa maliliit gaya ng pagtanggal sa mga libreng serbisyo sa ospital, pagsasapribado sa mga pamilihang-bayan at pagtataas ng amilyar.