Bongbong nabahala sa pagnipis ng power supply
Hataw News Team
April 18, 2016
News
NAGPAHAYAG ng pagkabahala si Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., kandidato bilang bise presidente, sa pagnipis ng power supply sa bansa at hinimok niya ang mga energy official na siguruduhing walang brownout sa araw ng halalan sa May 9 dahil kung mangyayari ito aniya ay magkakaroon ng duda ang mga tao sa resulta ng eleksiyon.
Sinabi ito ni Marcos, makaraan ilagay sa red alert status ang Luzon grid sa loob ng halos tatlong oras nitong Biyernes dahil sa kakulangan ng suplay ng koryente.
“Nakaka-alarma ang ganitong sitwasyon kaya’t dapat gawin ng gobyerno ang lahat ng paghahanda para masigurong hindi magkaka-brownout sa araw ng eleksiyon dahil pag nagkaganito ay magkakaroon ng duda sa ano mang resulta ng halalan,” ani Marcos.
Ayon sa mga opisyal ng gobyerno, inilagay sa red alert ang Luzon grid dahil sa pagsipa ng demand dulot nang sobrang init at pati na rin dahil sa naka-planong shutdown ng ilang planta, kakulangan ng capacity ng ilan, at hindi inaasahang pagbagsak ng ilan pang planta ng koryente.
“Kaya kong tiisin ang mga brownouts na tila sumusunod sa mga lugar na pinupuntahan ko sa kampanya pero hindi mapapatawad ng sambayanang Filipino ang gobyerno kung magkakaroon ng malawakang brownout sa araw ng halalan,” ani Marcos.
Matatandaang sinabi ni Marcos, timamaan ng mga di-inaaasahang brownout ang mga lugar kung saan siya nangampanya nitong nakaraang linggo, kabilang na sa Iloilo, sa Negros Oriental, at sa Tagbilaran City sa Bohol.
“Bagamat nangangako naman ang ating mga opisyal na hindi magkakaroon ng brownout, hindi maalis ang ating agam-agam dahil sa talagang manipis lamang ang ating power reserve kahit na nga mga tatlong linggo na lang ang natitira bago dumating ang araw ng halalan,” ani Marcos.
Ayon sa senador dapat tutukan agad ng susunod na administrasyon ang problema sa kakulangan ng suplay ng koryente sa bansa hindi lamang para sa mga regular na consumers kundi pati na rin para sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
“Dapat madagdagaan ang ating power suplay at dapat nating maibaba ang ating cost of production,” ani Marcos.
Sa panahon ng kanyang panunungkulang bilang gobernador ng Ilocos Norte naitayo ang kauna-unahang commercial wind farm sa Southeast Asia para magkaroon ng sapat na suplay ng koryente hindi lamang sa kanyang probinsya kundi sa mga karatig lugar.
Matagal nang nananawagan si Marcos sa gobyerno na magbuhos ng pondo para sa mga basic infrastructure, kabilang na nga rito ang mga bagong planta ng koryente para masigurado ang sapat, maaasahan at mas murang koryente para sa lahat.