NFA may nakatago naman palang 36,000 MT ng bigas (Kidapawan farmers, ginutom talaga ng Malacañang!)
Hataw News Team
April 17, 2016
News
LABIS ang pagkadesmaya ni Makabayan senatorial candidate Rep. Neri Colmenares sa National Food Authority (NFA) na nagkakaproblema kung paano at kailan ipagbibili ang natitira nitong 2014 rice stocks samantala nagugutom naman ang ating mga kababayang magsasaka sa Kidapawan City, North Cotabato at iba pang lalawigan.
“Dapat inatasan ng Malacañang ang NFA na ipamahagi na lamang ang mga bigas. Napakarami palang stocks na nasa NFA, pero halos mamatay na po sa gutom ang mga magsasaka natin. Dapat ibinigay na ito sa mga magsasaka para may makain sila at ‘di na kinailangan pang magprotesta,” buntong-hininga ni Colmenares.
Nagpasya ang NFA, sa ilalim ng hurisdiksiyon ng Malacañang, na isuspinde muna ang pagbebenta sa pamamagitan ng pagsusubasta sa nalalabing 3% ng inangkat na mga bigas noong 2014 makaraang namonitor ang mga magsasaka sa ilang mga lalawigan na nagsisimula nang umani ng kanilang pananim noong tag-araw.
“Ang sinasabi ng NFA maliit lang na bahagi ito pero sa napakalaking bagay kung naipamigay na lamang sana sa mga nagugutom na magsasaka sa panahong higit nilang kinakailangan ito. Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo? sabi pa ng progresibong solon.
“Dito nabubulgar kung gaano kainsensetibo at kawalang puso ang administrasyong Aquino. Ito ba ang ipinagmamalaking Daang Matuwid? Hindi dapat hayaang magpatuloy ang ganito. Ang kailangan natin pamahalaang may puso at mabilis tumutugon sa kalagayan at pangangailangan ng mamamayan. Hindi ‘yung napakamanhid at ganid na mas gugustuhin pang pagbabarilin at ikulong ang mga magsasaka kesa ibigay ang tulong at pagkaing kailangan nila,” pawawakas ni Colmenares.
76 inarestong Kidapawan farmers laya na
NORTH COTABATO – Laya na ang 76 magsasakang inaresto makaraan lumahok sa rally na nagresulta sa madugong sagupaan sa Kidapawan, Cotabato, makaraan maglagak ng piyansa.
Ayon kay to Atty. Sarah Villamor ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), 76 mula sa kabuuang 78 magsasaka ang nakalaya na mula sa Cotabato District Jail dakong 2 a.m. kahapon.
Sinabi ni Villamor, tanging ang dalawang indibidwal na kinilalang sina Ruben Carlos Mangga at Ponciano de la Pena Paunil ang nananatili sa piitan.
Ang kanilang pangalan ay hindi kasama sa release order na nilagdaan ni Judge Rebecca De Leon ng Municipal Trial Court in Cities (MTCC) sa Kidapawan City.
Ang NUPL lawyers and Karapatan paralegals ang nag-ayos para makapaghain ng piyansa ang mga magsasaka.
Kabilang sa mga nagbigay ng tulong para makaipon ng pangpiyansa ang ilang celebrity, pribadong indibidwal at iba pang concerned sectors.