Kaso laban kay Napoles pinahina ni de Lima (Leila incompetent)
Hataw News Team
April 16, 2016
News
UMANI ng batikos ngayong Huwebes ang dating kalihim ng Department of Justice (DOJ) at kandidatong senador na si Leila de Lima dahil sa tahasang pagpapahina ng kasong plunder laban kay Janet Lim Napoles at dalawang mambabatas, kung kaya pinagbigyan ng Sandiganbayan ang kanilang petis-yon sa pansamantalang paglaya.
Sa rali na isinagawa sa tapat ng DOJ, binatikos ng Sanlakas ang pangunahing papel ni De Lima upang pahinain nang husto ang kaso laban kay Napoles, sa dinismis na gobernador ng Masbate na si Rizalina Seachon-Lañete at sa dating kinatawan ng Association of Electric Cooperatives party-list na si Edgar Valdez.
Tinawag ng first nominee ng Sanlakas party-list na si Leody de Guzman si De Lima na ‘incompetent’ dahil nabigong patibayin ang kaso sa pamamagitan ng paglikom ng mga ebidensiyang hahadlang sa Sandiganbayan para pagbigyan sina Napoles at Lañete na makapagpiyansa.
Ayon sa mga miyembro ng Sanlakas na lumahok sa nasabing rali, “walang karapatang moral si De Lima na maging senador dahil sa kanyang pekeng krusada laban sa korupsiyon at hustisya para sa mga biktima ng terorismo ng estado.”
Noong Miyerkoles, inaprubahan ng Fifth Division ng Sandiganbayan ang mga petisyon ni Napoles at Valdez dahil sa mahinang ebidensya.
Sa hiwalay na desisyon ng ikaapat na dibisyon ng anti-graft court, pinagbigyan din ang petisyon ni Napoles at Lañete dahil ang mga ebidensiyang iprinisenta ng prosekusyon, na orihinal na kinalap ng DOJ ay mahina at hindi sapat upang matanto ang kasalanan ng nabanggit na mga akusado.
Hindi naman makakalaya si Napoles, sa kabila ng mga desisyong ito ng anti-graft court dahil convicted sa salang serious illegal detention noong April 15, 2015 ng Makati City Regional Trial Court.
Nagbayad si Lañete ng kabuuang P830,000.00 bilang piyansa para sa plunder (P500,000.00) at 11 counts ng graft (P330,000.00).
Si Valdez naman ay nagbayad ng piyansang P1.7 milyon para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Ang kasong plunder laban kay Napoles, Lañete at Valdez ay kaugnay sa P10 bilyong pisong Priority Development Assistant Fund (PDAF) scam.
Si Napoles ang napaulat sa media na ‘mastermind’ ng nasabing eskandalo.
Sinabi ni De Guzman, chairman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), dapat papanagutin si De Lima dahgil sa kabiguan ng gobyerno na ikulong ang ‘malalaking isda’ na ayon sa Sanlakas ay “guilty” sa kasong Plunder.
Matapos ang anim na taon termino bilang kalihim ng DOJ, nagdesisyon si De Lima na pasukin ang mundo ng politika sa pamamagitan ng pagtakbo bilang senador.
Kapag ang halalan ay isinagawa ngayon, makikita sa resulta ng pinakahuling survey na papasok sa unang 12 na mananalong senador si De Lima.
Pinuna rin ni De Guzman ang palagiang pagdalo ni De Lima sa mga pagdinig ng Senado hinggil sa P10-bilyong PDAF scam dahil siya mismo ang nangasiwa sa pangangalap ng ebidensiya at pagsampa ng mga kaso laban kay Napoles, Lañete at Valdez.
Maraming senador na aktibong nakilahok noon sa imbestigasyon ng Senado hinggil sa nasabing eskandalo kagaya ni Sen. Grace Poe ang nagbigay-diin sa bigat ng ebidensiyang isinumite sa kanila lalo na ang mga didiin kay Napoles.