HINATULAN ng Sandiganbayan ng 10 hanggang 18 taon pagkakakulong si dating Bakun, Benguet mayor Bartolome Sacla Sr. dahil sa kasong malversation of public funds.
Nag-ugat ang usapin sa pag-isyu ni Sacla ng tseke na nagkakahalaga ng P5,000,000 nang walang kaukulang supporting documents.
Hinatulan din ng kahalintulad na parusa ang municipal treasurer na si Manuel Bagayao dahil sa pakikipagsabwatan sa alkalde.
Hindi na rin sila pinapayagan na humawak ng ano mang posisyon sa gobyerno at inoobligang magmulta ng tig-P5,000,000.
Una rito, idinipensa ni Sacla ang inisyung tseke bilang pambayad sa medical supplies, ngunit wala siyang naipakitang katunayan.