Bagatsing pa rin ang mayor ko — Ali Atienza
Hataw News Team
April 13, 2016
News
“SI Congressman Amado Bagatsing pa rin ang mayor ko!”
Ito ang matapang na pahayag ni Manila Vice-Mayor aspirant, 5th district Councilor Ali Atienza, sa isa sa political sorties na ginanap ng tambalang Bagatsing-Atienza.
Paliwanag ni Atienza, siya ay kabilang sa partido ng United Nationalist Alliance (UNA), ngunit nangako siyang si Cong. Bagatsing pa rin ang dala at ikinakampanya niya bilang tandem na mayor ngayong darating na May election.
“Mga kasama, sinasabi ko po sa inyo, hindi ko po kaya ang mag-isa, kaya sana po kung tutulungan ninyo ako bilang bise alkalde, tulungan n’yo po ang dapat maging alkalde natin, walang iba po kundi si Congressman Amado Bagatsing,” hikayat ni Atienza.
Nabatid, sa kabila ng patuloy na panggigiba at pagpapalabas ng tsismis ng kanilang mga kalaban sa politika katulad ng umano’y hiwalay na ang tambalang Bagatsing-Atienza, higit pa lalo umanong nagsisipag ang Team KABAKA Para sa Bagong Maynila Coalition sa pag-iikot sa Maynila upang itaguyod ang mga proyekto at sistematikong programa ng tambalang Bagatsing-Atienza na patuloy na humahakot ng suporta mula sa mga Manileño.
Hindi rin aniya kakayahin ni Atienza na mag-isa kaya kinakailangan niya ang tulong ni Crystal Bagatsing na tumatakbo bilang Kongresista upang maging kaagapay sa pag-unlad ng lungsod at ipagpatuloy ang nasimulan ng kanyang ama sa KABAKA.
“Ang buhay ay weather-weather lang…kaya sa nakikita ko po, weather na natin ngayon…kaya magtulong-tulong po tayo, inuulit ko po, hindi ko po kaya ang mag-isa, pero kung tutulungan ninyo ako, tutulungan tayo ng Panginoong Diyos, magtatagumpay tayo,” ayon sa opisyal.
Nanindigan din si Atienza na kung palaring mahalal bilang alkalde at bise alkalde ng lungsod ay pagsusumikapan nila ni Bagatsing na maibaba ang mga dagdag pahirap na ipinataw ng administrasyon ni Mayor Joseph Estrada tulad ng business permit, building permit, real property Tax, at iba pang bayarin na patuloy na nagpapahirap sa buhay ng mamamayan ng Maynila.
Mistula aniyang mas nilunod pa ng pamumuno nina Estrada ang mga kapos-palad na Manileño higit lalo ang mga negosyante dahil sa pagtataas ng Real Estate at Property Taxes nang halos 300%.
Ilalaban ng tandem na Bagatsing-Atienza na muling gawing libre ang pagpapagamot sa mga pampublikong ospital sa Maynila tulad ng kasalukuyang proyekto ng Kabalikat ng Bayan sa Kaunlaran (KABAKA) matapos ipatayo ang KABAKA Clinic and Diagnostic Center na nagbibigay ng libreng konsultasyon, laboratory, at gamot sa mga residente ng Maynila.
Nauna na rin nangako si Bagatsing na ibabalik sa mga Manileño ang Public Markets sa lungsod tulad ng San Andres at Central Market, Lacson Underpass at ang Manila Zoo na una nang isinapribado ni Estrada.
Hindi rin alintana ni Atienza ang samo’t saring kontrobersiya at patuloy aniya siyang lumalaban kasama ni Bagatsing dahil naniniwala siya sa adhikain at mga tulong na proyekto ni Bagatsing tulad ng nagawa ng KABAKA Clinic na na nakapagbigay na ng serbisyo sa higit kumulang na 50,000 kapos palad na Manileño.
“Maituturing na gunaw na ang lungsod ng Maynila dahil sa mga ginawa ng kasalukuyang administrasyon, pero bubuhayin natin muli ang Maynila dahil alam ko kasama natin ang KABAKA sa pagbuhay nito,” pahayag ni Atienza.
Si Atienza, anak ni dating Manila mayor at ngayon ay BUHAY Party-list Rep. Lito Atienza, tumatakbo sa ilalim ng isang local coalition na KABAKA Para sa Bagong Maynila, tandem ni Cong. Bagatsing na anak ni dating Manila Mayor Ramon D. Bagatsing, at ang mga kapwa anak ng mga dating Mayor ng lungsod at iba pang respetadong opisyal ng Maynila, kasama sina 1st congressional district candidate Manny Lopez, anak ni dating Mayor Mel Lopez, at unopposed re-electionist 2nd dist. Cong. Carlo LOpez, anak ni dati at namayapang Cong. Jim Lopez, habang si 6th dist., re-electionist Congresswoman Sandy Ocampo naman ay anak ng namayapa ring dating Cong. Pablo Ocampo.