Alonte, vice mayor swak sa kasong Plunder sa Ombudsman
Hataw News Team
April 13, 2016
News
SINAMPAHAN kahapon ng kasong Plunder at administratibo sa Office of the Ombudsman sina incumbent Biñan (Laguna) Mayor Marlyn ‘Len’ Alonte-Naguiat at Vice Mayor Walfredo Reyes Dimaguila Jr., hinggil sa umano’y maanomalyang pagbili ng lupa noong 2009 na P77-milyon ang nawala sa kabang bayan at napunta lamang sa mga ‘corrupt’ na lokal na opisyal.
Sa kanyang complaint-affidavit, hiniling ng negosyanteng si Adelaida Yatco, residente ng Filinvest South, Barangay Tubigan, Biñan kasama ang kanyang lawyer na si Howard Calleja, na dapat masuspinde ang mga nasabing opisyal na miymbro ng Liberal Party (LP) habang isinasagawa ang masusing imbestigasyon sa nasabing kasong kriminal.
“Without a doubt, respondents should be preventively suspended considering that the evidence of their guilt is strong and the charges against them involve grave offenses warranting their removal from service and that their continued stay in the positions would surely prejudice the instant case against them since they are both influential elective public officials in the local government,” ani Yatco sa kanyang affidavit.
Dagdag niya: “Malaki ang aking tiwala sa Ombudsman kaya kahit pawang kasapi ng LP ang mga akusado, umaasa ako nang malaki na walang whitewash na magaganap.”
Ayon kay Calleja, maraming kaso ang isinampa ng kanyang kliyente laban sa dalawang opisyal lalo sa paglabag sa sa RA 7080 (Plunder); RA 3019 na mas kilala sa tawag na Anti-Graft and Corrupt Practices Act; at RA 6713 (An Act Establishing a Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees).
Sabay na nahalal at naging opisyal ng lungsod noong 2007, ngunit umaktong ‘acting mayor’ si Dimaguila noong panahong binili ng lokal na pamahalaan ang lupa na pag-aari nina Emmanuel at Alita Capinpin at si Fe Alonte, na ina ng alkalde at ginamit para sa expansion ng municipal cemetery.
Sa dapat na halagang P21,468,240 batay sa fair market value noong panahong iyon pero dahil umano sa sabwatan ng mga nasabing opisyal at naging disadvantageous sa interes ng pamahalaan, umabot sa halagang P98,396,100 ang ibinayad para sa 29,817 sq. m. sa Barangay San Antonio. Nawala umano ang P76,927,860, at napunta umano sa mga ganid na opisyal ng Biñan.
Bukod sa mga nabanggit na kaso, sinampahan din ng iba pang mga administratibong sumbong sina Alonte-Naguiat at Dimaguila lalo na ng Grave Misconduct, Dishonesty and Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service hinggil sa umano’y ilegal na gawain na maaaring ikatanggal sa kanilang trabaho.