Sunday , December 22 2024

Hilaw pa si Leni (Hindi handa sa mataas na posisyon)

BIGO ang maraming ta-gamasid-politika sa ipinamalas ni Liberal Party (LP) vice presidential bet Rep. Leni Robredo noong Linggo sa PiliPinas Debates 2016 na nagpatunay lamang sa kababawan ng kanyang alam sa mga usaping pambansa – gaya sa West Philippine Sea, sa Freedom of Information (FOI) bill at sa sin tax – malayo sa galing ng kanyang mga bihasang karibal sa karera.

Ayon kay Manny Mogato, dating presidente ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP), “halatang walang alam sa isyu ng South China Sea.”

“Sabihin ba naman niya na ang Indonesia ay isa sa mga estadong umaangkin din sa Spratlys? Mali ang hawak niyang impormasyon.”

Pinutakti din si Robredo ng mga kilalang kampeon ng pagsasabatas sa FOI bill dahil sa pagtatangka nitong magpanggap na isang “FOI advocate” sa harap ng mabilis na pagkakapasa nito sa Senado, samantalang natulog ang panukala sa pagbinbin ng Mababang Kapulungan.

Hindi nakapagpigil ang manunulat na si inday Espina-Varona sa kanyang pagpuna kay Robredo dahil sa pagmamalaki na ang kanya umanong bersiyon ay mas maayos kaysa ipinasa ng Senado – na ayon sa kongresista ay nangangailangan pa ng isang “request” bago isapubliko ang isang dokumento.

“‘Yung aking version ng FOI, iba sa version ng Senado. ‘Yung version po ng Senado demand-driven, sinasabi po ‘pag may request ng dokumento sa gobyerno kailangang isiwalat ng gobyerno. Pero ‘yung version ko ng FOI kahit walang demand obligado na dapat ang gobyerno to make public all documents,” ayon kay Robredo.

Halos tawaging “sinungaling” ni Espina-Varona si Robredo sa paliwanag ng manunulat na ang bersiyon ng panukalang FOI ng Senado ay mayroong probisyong nag-uutos na isapubliko ang halos lahat ng transaksiyon ng gobyerno sa pamamagitan ng internet.

Kaiba sa inaning batikos ni Robredo, sinang-ayonan ni Atty. Nepomuceno Malaluan ng “Right to Know, Right Now” Coalition si independent vice presidential candidate Sen. Chiz Escudero dahil sa simple ngunit malinaw nitong pagbibigay-diin na ang tanging kaibahan sa bersiyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso ay bilis ng pagkakapasa ng Senado, samantalang naghingalo ito sa pagkakabinbin sa komite ng Kamara na naatasang tumalakay dito.

Hindi naitago ng ilang financial executives ang kanilang pagdududa sa kahandaan ni Robredo na maglingkod bilang bise presidente base sa kanyang ipinamalas na “pangangapa sa kahit pinakasimpleng usapin sa pagbubuwis.”    

Ayon sa isang mataas na opisyal ng pinakamalaking auditing firm sa bansa, tumangging magpakilala dahil sa maselan nitong posisyon sa kompanya, “napaghahalata lamang ang kababawan ng kaalaman” ng bagitong kongresista sa “pinakasimpleng alituntunin” sa pagbubuwis nang igiit ni Robredo na ang sin tax ay “ipinapataw sa mayayaman.”

“Tax 101 ‘yan at napaka-basic, at nakadedesmaya na ang isang mambabatas gaya ni Robredo ay mali ang pagkakaintindi sa buwis na ito dahil, bagamat ang malalaking negosyo ang sinisingil dito ng gobyerno,” ayon sa tax expert, “tagaabot lamang ng bayad ang mga kompanyang ito sa buwis na ipinasa sa konsumer, na siyang totoong binubuwisan ng pasaning ito.”

Tama si Marcos at Escudero, ang mga konsyumer kasama na mahihirap ang binubuwisan dito, at hindi ang mayayaman, gaya ng iginigiit ni Robredo.”

Kinatigan din ng isang vice president ng pangunahing banko sa bansa ang nasabing obserbasyon, sa kabila ng pagtangging ibigay ang pagkakakilanlan, nang sabihin na ang pahayag ni Robredo hinggil sa sin tax “ay nagpapakita lamang na hilaw na hilaw para sa posisyon” na kanyang inaambisyon.

“Akala natin, dahil isang abogado, dapat sana’y mas malalim ang kaalaman ni Robredo. Kung ganyan ang kanyang pagkakaintindi sa lahat ng usapin sa buwis, aba’y hindi dapat tayo nagluluklok nang ganyan kababaw sa posisyong gahibla ang layo sa puwesto ng pangulo. Masama na nga sa negosyo at kalakalan, mas lalong masama para sa Inangbayan.”

About Hataw News Team

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *