Duterte kapag dukha kayang itumba — Binay
Hataw News Team
April 12, 2016
News
SI Davao City Mayor Rodrigo Duterte ay isang “berdugo” na mahihirap lang ang kayang patayin, ayon kay Vice President Jejomar Binay.
“Mister Berdugo, ako ay pro-life at ang aking ginagawa ay para gumanda ang buhay ng mahihirap, ikaw naman, pumapatay ng mahihirap,” ayon kay Binay.
“Pumapatay ka nang walang pakundangan, ng mga bata at magkakapatid. Sanay kang pumatay nang mahirap dahil alam mong hindi sila makalalaban sa iyo. Kaya naman hindi ka pumapatay ng mayaman kasi alam mo lalabanan ka nila,” dagdag pa ng pambato sa pagka-Pangulo ng United Nationalist Alliance (UNA).
Ito ang sagot ni Binay sa sinabi ni Duterte na “recycled garbage” lamang ang mga paratang sa kanya tungkol sa extrajudicial killings o walang pakundangang pagpatay, na pati mga bata ay mga biktima.
Ipinaalala ni Binay kay Duterte ang dati niyang mga pahayag nang umamin ang Davao city mayor na konektado sa Davao Death Squad (DDS) at nagmalaking nakapatay na siya ng 1,700 katao, higit sa bilang ng ini-report ng Amnesty International.
Nauna nang kinastigo ni Binay si Duterte dahil sa pagpatay ng Davao city mayor ng mga bata, tulad nina Richard Alia (18 years old), Christopher Alia (17) at Bobby Alia (14) na napabalitang salvage victims ng DDS noong 2001 at 2002.
Ayon sa human rights groups, si Duterte ay may kinalaman sa extrajudicial killings sa Davao.
Ayon kay Philip Alston ng UN Special Rapporteur on extrajudicial, summary or arbitrary executions, isa si Duterte sa may kinalaman sa walang pakundangang pagpatay.
Aniya, “walang ginawa si Duterte para maiwasan ang ganitong pagpatay, at ang mga pahayag niya ay nagpapakitang sinusuportahan pa niya ang ganitong karumaldumal na gawain.”
Kinondena naman ng Human Rights Watch (HRW) ang mahigit sa 1,000 kaso ng pagpatay na isinagawa ng DDS mula pa noong 1990s.
Hangga’t hindi gumagawa ng kaukulang hakbang ang pamahalaan laban sa mga opisyal ng gobyerno na inendoso ang extrajudicial killings bilang katanggap-tanggap na paraan para mamuno, si Duterte at iba pang taong tulad niya ay isang malaking panganib sa kaligtasan ng mga mamamayang dapat nilang protektahan,” ayon kay HRW Deputy Director Phelim Kine.