Friday , November 15 2024

‘Regalo’ sa Senior Citizens kinupitan ni Malapitan

KUNG sa Lungsod ng Makati ay pinagkakakitaan ang birthday cake para sa matatandang residente, mas masahol umano ang ginagawa ng mga nakaupo ngayon sa Caloocan City sa pangunguna ni Mayor Oscar Malapitan dahil sobrang nilapastangan ang mga nakatatanda matapos pagkakitaan ng mahigit P600 milyon ang birthday gift package na inireregalo sa kanila.

Ayon sa Federation of Senior Citizens of Bagong Silang Inc., binibigyan sila ng regalo ng pamahalaang lungsod sa tuwing sasapit ang kanilang kaarawan pero nabigla sila sa halaga nito matapos nilang mapag-alaman na tumataginting na P2,000 ang budget na inilaan sa bawat pakete, pero halagang P246.50 ang halaga ng kanilang natatanggap.

Ayon kay Phet Ocampo, bise presidente ng samahan, natutuwa sana sana sila sa ginawang inisyatiba  kahit may halong pagpapapogi ni Malapitan sa kanilang matatanda pero nang matuklasan nilang ang kanilang sektor ay nagagamit sa korupsiyon, mariing nila itong kinondena.

Napag-alaman, ang laman ng birthday gift package na ipinamimigay sa senior citizens ni Malapitan ay isang kilong spaghetti, isang spaghetti sauce, dalawang latang karne norte (250 grams) at isang keso (200 grams).

Lumalabas sa isinagawang pag-aaral ng naturang organisasyon, ang presyo ng isang kilong spaghetti ay may halagang P58.00; spaghetti sauce, P62.50; dalawang latang karne norte, P85.00; at ang keso ay P41.00.

Kung susumahin ang kabuuan ng halaga ng birthday gift package ay P246.50 lamang ngunit kanilang natuklasan na P2,000 pala ang budget sa senior citizen.

“Garapalan ang ginagawa nilang pagsasamantala sa aming hanay kaya nagkakaisa ang senior citizens na ipaalam sa lahat, hindi lang sa taga-Caloocan kung hindi sa buong bansa, kung anong klaseng pinuno si Malapitan, na nagpapanggap na makatao pero masahol pa sa isang tuso,” ani Ocampo.

Kung P246.50 ang total price ng naturang birthday gift package, malinaw na may kumita ng P1,753.50 sa kada regalo, na sana’y pambili ng gamot ng senior citizens.

“Nakapanghihinayang ang perang dapat sana ay napakinabangan naming mga senior citizen ngunit sa halip na sa amin mapunta ay sa ilang tao lamang na walang inatupag kundi ang magpayaman sa kanilang tungkulin,” dagdag ng bise presidente.

Umaabot sa 350,000 ang senior citizen sa Lungsod ng Caloocan at kung susumahin ay aabot sa mahigit P613.7 milyon ang nawawalang pondo para sa mga senior citizen bawat taon.

Dahil dito, hinihiling ng mga apektadong residente ng lungsod na imbestigahan ng karapat-dapat na ahensiya ang sinasabing anomalya dahil bilyong piso ng taumbayan ang napupunta sa kamay ng masisibang opisyal.

About Hataw News Team

Check Also

La Consolacion College Fire

Sa Mendiola, Maynila  
LA CONSOLACION NASUNOG EMPLEYADO SUGATAN

SUGATAN ang isang empleyado sa sunog na tumupok sa La Consolacion College, sa Mendiola St., …

Motorsiklo sinikwat tirador natunton sa mga kuha ng CCTV

Motorsiklo sinikwat ‘tirador’ natunton sa mga kuha ng CCTV

NADAKIP ng mga awtoridad ang isang lalaki matapos nakawin ang isang nakaparadang motorsiklo sa Sta. …

Carlwyn Baldo

Kalusugan nalagay sa alanganin
LEGAL TEAM NI DARAGA MAYOR CARLWYN BALDO PINAG-AARALAN KASONG ISASAMPA LABAN SA NURSE  
Warden humingi ng paumanihin

PINAG-AARALAN ng kampo ni Daraga Mayor Carlwyn Baldo ang kasong isasampa laban sa nurse ng …

Duterte Gun

Duterte aminadong pumatay ng 6 o 7 kriminal noong alkalde ng Davao City

INAMIN ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kahapon, Miyerkoles na pumatay siya ng anim o pitong …

111424 Hataw Frontpage

PH mistulang killing fields sa ‘Duterte drug war — Solon

ni GERRY BALDO NAGMISTULANG killing fields ng mga drug suspect at inosenteng sibilyan ang Filipinas …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *