Bingbong Crisologo ‘nakalusot’ sa PDAF Scam
Hataw News Team
April 11, 2016
News
KINUWESTIYON ng anti-corruption group ang umano’y kawalan ng aksiyon ng Department of Justice (DOJ) at ng Office of the Ombudsman sa iba pang personalidad na sangkot sa Pork Barrel Scam.
Ayon sa Alliance of Good Governance (AGG), karamihan sa mga sangkot sa pork barrel scam ay tumatakbo ngayon sa halalan, isang hindi magandang batayan at nagpapamalas lang na ang kampanya ng pamahalaan sa pagsugpo sa katiwalian ay pili lang at nananatili pa ring ligtas sa kaparusahan ang ilan.
Isinahalimbawa ng AGG si Vincent “Bingbong” Crisologo na tumatakbo bilang kinatawan sa kongreso ng unang distrito ng Quezon City na hindi man lang naipatawag kaugnay sa kuwestionableng paglustay ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong siya pa ang kinatawan sa kongreso mula taong 2004 hanggang 2013.
Ibinatay ng grupo ang akusasyon sa ulat ng Commission on Audit (COA) na nakatala ang pangalan ni Crisologo sa mga kongresista na may kuwestiyonableng paglustay sa kanyang mga proyekto na pinondohan ng kanyang PDAF at ipinadaan sa pekeng nog-government organizations.
Sa inilabas na special audit ng COA mula taon 2007 hanggang 2009, tumanggap si Crisologo ng kabuuang P178,250,000 para sa kanyang hard at soft projects at sa pananaw ng naturang ahensiya, may pondo sa kanyang PDAF na hindi natukoy kung saan napunta.
Sa kabila nito, may tatlong Special Allotment Release Order (SARO) sa ilalim ng pangalan ni Crisologo ang hindi nagamit kabilang ang P200,000 at dalawang tig-P18,000 na kinakailangan ibalik sa pambansang pamahalaan.
Sa isa pang pagsusuri ng COA, may P612,000 halaga ng proyekto sa barangay sa Quezon City noong 2007 hanggang 2009 ang ginugulan at umano’y ginamitan ng kuwestiyonableng dokumento.
Sa naturang audit report, nakipag-transaksiyon si Crisologo sa ilang NGOs tulad ng Dynamic Filipino Citizen Civic Organization Inc., sa halagang P98 million, Kalookan Assistance Council Inc., para sa proyektong P133.6 million at The Unlad Pinoy Organization sa proyektong nagkakahalaga ng P35.3 million.
Ayon sa AGG, kailangan matunton kung tunay o bogus ang naturang NGOs.
Bukod kay Crisologo, sinabi ng AGG na may papel din sa PDAF scam ni Napoles si Abamin party list representative Max Rodriguez na ngayon ay tumatakbo bilang kongresista sa ikalawang distrito ng Cagayan De Oro. Siya rin ang ahente ng kanyang nakatatandang kapatid na si Rufus Rodriguez na tumatakbo naman bilang alkalde ng naturang lungsod.
Ayon kay Alberto Vicente, tagapagsalita ng AGG, matagal na proseso ang paglilinis ng pamahalaan sa korupsiyon subalit hindi aniya dapat tumigil ang gobyerno hangga’t hindi napapanagot ang mga may sala.
Idinugtong niya, sa panahon ng halalan, dapat ipaalala sa mga botante kung sino ang mga tumatakbo sa posisyon na may bahid ng pagdududa ang katauhan.
Ang AGG ay isang independenteng organisasyon na lumalaban sa katiwalian at kinabibilangan ng mga propesyonal at community leaders mula sa iba’t ibang lugar sa bansa. Kabilang sa naging kampanya ng grupo ang pagbubunyag ng katiwalian sa hudikatura, partikular sa Court of Appeals at sa rice smuggling.