Egay Erice kalaboso (Panibagong plunder case nakaamba)
Hataw News Team
April 8, 2016
News
SA kulungan posibleng masadlak si Caloocan City Representative Edgar ‘Egay’ Erice sa dami ng kaso na kanyang kinakaharap sa Office of the Ombusdman gaya ng pagbubulsa umano ng halos isang bilyon royalty share at sinabing ‘pagnanakaw’ ng mineral ore sa operasyon ng mining sa Agusan Del Norte.
Nabatid na si Erice ang tumatayong presidente ng SR Metal Mining Inc. (SMRI) at nakipagkasundo sa Basiana Mining Exploration Corp., na pag-aari ni Rodney Basiana upang magsagawa ng pagmimina sa Barangay La Fraternidad, Tubay ng nasabing lalawigan.
Sa Memorandum of Agreement (MOA), kapwa napagkasunduan ng BMEC at SMRI ang pagbibigay ng royalty share ng huli sa una sa isasagawang mining sa nasabing lugar.
Ang nasabing kasunduan ay hindi umano tinupad ni Erice at ng kanyang business partners na sina Miguel Alberto Gutierrez at Eric Gutierrez na kapwa kilalang kaalyado ni pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino.
Lumalabas na noong April 29, 2000, gumawa ng deed of assignment si Basiana, na lahat ng kanyang mining rights sa lugar ng minahan ay kanyang inililipat at ipinuubaya sa Manila Mining Corporation pero ang SMRI mining ang nagmina sa lugar batay na rin sa kasunduan nila Basiana at Erice na kapwa pinirmahan noong Oktubre 18, 2005.
Nabatid na ang BMEC ang orihinal na nag-apply ng Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) sa Mining and Geo-Sciences Bureau (MGB) upang magsagawa ng development sa lugar, explore, extract at mag-haul ng mineral deposit ng nickel, Cobalt at iba pa sa halos 726 ektaryang lupain.
Malinaw sa napagkasunduan nina Erice at Basiana, ang pagbibigay ng five percent royalty share sa kabuuang kikitain ng mining operation ngunit binalewala ng mambatatas kaya sinampahan siya ng kaso sa Ombudsman.
Ayon kay Basiana, malinaw na lumabag si Erice dahil tila ibinulsa ang halos P1 bilyong royalty share kaya’t ipinagharap niya ng kasong plunder.
Maliban kay Basiana, kinasuhan ni Anselmo Sang Tian at Ronald Hinayon ng iba pang plunder case si Erice, Qualified Theft at Theft ng Mineral na may case number OMB-C-07-0397.
Matatandaan na unang natuklasan ni dating secretary ng Department of Environmental and Natural Resources (DENR) Angelo Reyes ang paglabag ni Erice sa ibinigay na SSMP, sanhi upang ipatigil ang operasyon ng kompanya.
Lumalabas na labis ang hinakot nina Erice sa operasyon ng small scale mining.
Imbes 50,000 Dry Metric Tons (DMT) maximum extraction sa loob ng isang taon, nakahango siya ng triple na umabot sa 177,200 DMT (dry metric tons) ng “nickeliferous ore.”
Dahil dito, malinaw na mayroong nilabag na batas si Erice sa kanyang mining operation sa lugar kung kaya’t dapat managot sa batas.
Isang pang indibidwal ang nagkaso sa kongresista ng grave misconduct, abuse of authority at conduct unbecoming of public officer na may Ombudsman case number OMB-M-A-07-265-K.
Dahil sa mga kinakaharap na mga kaso ng mambabatas sa nasabing opisina, nananawagan si Basiana kay Ombusdman Conchita Carpio Morales na tutukan ang mga kaso ni Erice.
Naniniwala si Basiana na kakatigan siya ng Ombusdman sa kanyang isinampang kaso laban kay Erice at malaki rin ang paniniwala na kahit malapit ang kongresista kay PNoy ay hindi sasantohin ni Morales sakaling makitaan ng probable cause ang kasong plunder na inihain.
Nakakakuha ng lakas ng loob si Basiana na isang ordinaryong mamamayan para labanan ang isang kilalang malakas at maimpluwensiya sa kasalukuyang administrasyon na si Erice.
Ilang beses na rin umanong na nanawagan si Basiana kay PNoy na mamagitan sa suliranin ngunit wala silang nakitang aksiyon kung kaya’t umaasa kay Morales na magiging patas sa magiging desisyon sa mga kasong kinakaharap ni Erice.
Kilala si Morales na kahit kaalyado pa man ng Malacañang ay hindi sinasanto kung kaya’t malaki ang nakikitang pag-asa ni Basiana na kakatigan siya ng Ombdusman sa kanyang ikinaso sa mambatas na magreresulta upang humantong sa kulungan si Erice.