Negosyanteng Thai kinotongan ng 2 pekeng traffic enforcer
Hataw News Team
April 7, 2016
News
ISANG dayuhang Thai national ang kinotongan ng dalawang pekeng traffic enforcer nang kanilang arestohin dahil sa traffic violation sa Sta. Cruz, Maynila
Hawak ng MPD-General Assignment and Investigation Division (GAIS) ang suspek na sina RJay Ramas, 30, walang trabaho, ng 1427 Ilang-ilang St., Pandacan, Maynila, at Kenneth Alcaide Garcia, 38, ng LRC Compound, Sta. Cruz, Maynila dahil sa reklamo ni Sirichai Sesanarakkit, 49, tubong Maung Nonthaburi, Thailand.
Sa report ni Chief Insp. Arsenio Riparip, Hepe ng MPD-GAIS, dakong 7:30 p.m. nitong Marso 27 naganap ang insidente sa panulukan ng A. Mendoza St. at Juaning St., Sta Cruz, Maynila.
Ayon sa salaysay ng biktima, binabagtas niya ang kahabaan ng Laong-Laan lulan ng kanyang orange na Toyota Vios Sedan (YTO 224) nang pagliko niya sa U-turn sa Remegio St., ay parahin siya ng mga suspek na nagpakilalang mga traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTBP).
Sumakay si Ramas sa sasakyan ng biktima at hiningian ng P20,000 ngunit P5,000 lamang ang naibigay ng dayuhan kaya kinuha ng mga suspek pati cellphone ng biktima saka tumakas patungo sa Bambang St.
Pagkaraan ay nalaman ng biktima na nawawala ang kanyang Samsung cellphone na nagkakahalaga ng P20,000.
Nagsumbong ang mga biktima sa MPD-GAIS at noong Abril 1, nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya base sa paglalarawan sa biktima.
Nitong Abril 5 na-unang naaresto si Ramas dakong hapon habang dakong 6 p.m. naaresto si Garcia makaraan magpanggap ang dalawa na pulis sa mga motorista at tinangka rin kotongan.
Nakuha sa pag-iingat ni Ramas ang Control at Ordinance violation ticket mula sa Manila City Hall habang swiss knife at pekeng booklet ang nakuha mula kay Garcia.
Nalaman din ng MPD-GAIS na hindi na konektado sa MTPB ang dalawa simula pa noong Mayo 1, 2015.
Kasong robbery extortion at usurpation of authority ang isinampa laban kay Ramas habang usurpation of authority at illegal possession of deadly weapon kay Garcia.
Leonard Basilio, may kasamang ulat nina Christian Ryan Cereno, Mary Grace Rabia, Margarita Salak, at Jorene Tango