Hiyas Water Resources, Inc., sa Balagtas binira ng 4K
Hataw News Team
April 5, 2016
News
Binatikos ni Kilusan Kontra Kabulukan at Korupsiyon (4K) Chairman Dominador C. Pena Jr., ang kapabayaan ng Hiyas Water Resources, Inc., dahil sa hindi tamang pagbibigay ng kanilang serbisyo para sa mamamayan ng Balagtas, Bulacan.
Para kay Pena, Overall Chairman ng 4K advocacy group, hindi isinasaalang-alang ng Hiyas Water Resources, Inc. ang kapakanan ng kanilang ipinagmamalaking pagbibigay ng serbisyo para sa mga Bulakenyo.
“Hindi nakapagtala ang Hiyas simula noon pang Mayo 2015 nang isang buwang tuloy-tuloy na daloy ng tubig sa mga kabahayan. Kung mayroon mang tulo ang kanilang mga gripo, literal na malakas pa ang ihi ng isang bata kung ikokompara ito. At pag naman malakas ang pressure, sa gabi naman ito nangyayari. Kinakailangan pang magpuyat ng mga taga-Longos para lang mapuno ang kanilang mga timba at bariles,” paliwanag ni Pena.
Iginiit ng 4K Chairman na madalas tuloy magtiis ang mga Bulakeño nang walang tubig. Katunayan, aniya, naoobliga ang mga taga-Barangay Longos na bumili pa ng purified water para magamit na pampaligo at panghugas ng kanilang mga pinggan.
“Nagbabayad naman ang kanilang mga konsyumer ng buwanang bills pero nakabibigat pa sa kanilang mga bulsa ang karagdagang pagbili ng purified water para lang ipampaligo at ipanghugas ng mga pinggan. Ang masama pa nito, kapag nahuli ka ng pagbabayad sa kanilang water bill, may penalty pa na 10 porsiyento ang mga tao. Mahina na nga ang presyur ng kanilang tubig, lumilitaw na mahal pa ang kanilang hinihinging kabayaran,” dagdag ni Pena.
Ang Hiyas Water Resources ang nagsisilbing umbrella company ng mga water service provider sa Bulacan partikular ang Balagtas Water District sa Balagtas; Guiguinto Water District sa Guiguinto; Bulakan, Bulacan; Paombong; Pandi; Bustos; at Malolos Heights.
Nakapaloob ang Hiyas sa group of companies na kinabibilangan ng Balibago Waterworks System, BCBI, Bali Irisan Resources, Inc., Crystal Liquid Philippines, Inc., Laguna Bay Water Inc., Makati Rotary at South Balibago Resources, Inc.
“Ang mahirap nito, sinasabi ng Hiyas na ipinagdiriwang nila ang taon 2016 sa nakamit nilang tagumpay sa pagkakaroon ng 20,000 kostumer bunsod ng kanilang ‘Serbisyong Ayos at Ligtas’ pero nagtitiis ang kanilang konsyumer dahil madalas mawalan ng tubig ang mga taga-Longos, Balagtas,” wika ni Pena. “Kung nais ng Hiyas na maparami pa nila ang bilang ng kanilang mga konsyumer, dapat unahin muna nila ang episyenteng paghahatag ng serbisyo sa nauna nilang mga kostumer. Darating na kusa ang bilang na gusto nilang makamit kung matitiyak ng Hiyas na may tumutulong tubig sa gripo ng mga taga-Balagtas mapaumaga man o gabi.”