Bigas hindi bala sagot sa Kidapawan – Binay
Hataw News Team
April 5, 2016
News
“HUMIHINGI sila ng bigas, ngunit ang isinagot ay bala. Bigas, hindi bala.”
Ito ang batikos ni United Nationalist Alliance (UNA) standard-bearer Vice President Jejomar Binay sa patuloy na pagtanggi ng pamahalaan na tulungan ang mga magsasakang humihingi ng bigas dahil sa matinding tagtuyot na nararansan sa North Cotabato.
Ani Binay, obligasyon ng pamahalaan na tulungan ang mga magsasaka ngayong kasagsagan ng El Niño sa bansa.
Kinondena rin ng kampo ni VP Binay ang madugong pagpapalayas sa mga magsasaka noong Biyernes na tatlo ang napaslang sa mga nagpoprotesta sa Kidapawan, ayon sa tagapagsalita ng UNA na si Mon Ilagan.
“Laban po si VP Binay sa anumang pagmamalupit sa mamamayan, lalo na sa mga naghihirap sa buhay. Gutom po ang dahilan kung kaya galit ang ating mga magsasaka. Sinumang kumakalam ang sikmura ang hindi pansinin ng pamahalaan ay magagalit,” ani Ilagan.
Dagdag ni Ilagan, naniniwala si VP Binay na malasakit at hindi pagmamalupit ang dapat na ibinigay ng pamahalaan sa mga demonstrador, lalo’t may kababaihang kasama sa grupo ng mga nagpoprotesta.
Aniya, kung patuloy na pagmamalupitan ng pamahalaan at pulisya ang mga naghihirap na mamamayan, mas malaking problema ang maaari nitong maging resulta.
Nitong Linggo lamang, napabalitang hindi pinayagan ng mga pulis na makadaan ang nasa 300 magsasaka na sana ay hihingi ng donasyong bigas sa mga apektado ng tagtuyot sa Kidapawan.
“Nakatatakot po ang ipinapakitang karahasan sa mga ordinaryong mamamayan ng pamahalaan, sana ay huwag nila hayaang magpatuloy ang ganitong pagtrato sa ating mga magsasaka, dahil sila ay tulad din nating mamamayan ng bansa. Kung hindi sila tatratohin bilang mamamayan ng pamahalaan, paano tayo makasisigurong hindi ito mauulit sa iba pang pagkakataon?” tanong ni Ilagan.