10 Indonesian crew, hawak na ng ASG sa Sulu
Hataw News Team
March 31, 2016
News
ZAMBOANGA CITY – Sinasabing nasa kamay na ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Sulu ang10 Indonesian crew na kamakailan lamang ay napaulat na dinukot habang sakay ng kanilang tugboat sa karagatan ng ZAMBASULTA area.
Ayon kay incumbent Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Mujiv Hataman, base sa nakuha niyang ulat mula kay PRO-ARMM Regional Director, Chief Supt. Ronald Estilles, may nakuha silang feedback na dinala na sa lalawigan ang mga dinukot na foreign crew.
Lumalabas sa report ng opisyal kay Hataman, mismong ang isa sa mga biktima ang nakatawag sa Philippine Coast Guard (PCG) at ipinaalam na dinukot sila ng mga ASG.
Nilinaw ni Hataman na ang naturang mga impormasyong na kanyang natatanggap ay wala pang kompirmasyon hanggang sa kasalukuyan at patuloy nabina-validate.
Kinompirma rin niya ang narekober ng tugboat ng mga foreign crew sa may island municipality ng Languyan sa Tawi-Tawi.
“Sa report ng Regional Director (PRO-ARMM) sa akin that around 10 of the tapos ang isa tumawag yata that they were kidnapped by the ASG. So, mino-monitor namin ngayon kung nasaan, pero may initial feedback na nadala na sa Sulu pero wala pang confirmation,” ang pahayag ni Hataman.
Patuloy pa raw siyang kumukuha ng update ukol sa insidente kahit abala na siya ngayon sa kampanya sa pagtakbo niya bilang ARMM governor.
Samantala, hanggang sa kasalukuyan, wala ring malinaw na report na inilalabas ang Western Mindanao Command (WestMinCom) hinggil sa naturang insidente.
Ayon kay WestMinCom spokesman Major Filemon Tan, patuloy pa rin silang kumukuha ng mga impormasyon tungkol sa kinaroroonan ngayon ng mga banyagang tripulante at kung may katotohanan na dinukot sila ng mga bandido.