Robredo ‘Nabulok’ sa LP — Bello (Nilamon ng sistema)
Hataw News Team
March 30, 2016
News
MATAPOS iendoso ni Pampanga Governor Lilia Pineda ang tambalang pambato ng Liberal Party, hinamon ng independent senatorial candidate na si Walden Bello si Leni Robredo kung maaatim niyang hiwalayan si Mar Roxas at tumiwalag sa maruming politika ng LP na aniya ay nag-etsa-puwera sa mga progresibong kaalyado at binigyang-kiling ang dinastiyang politikal – mapaangat lamang ang tsansa na manalo sa Mayo.
Sa kanyang pahayag sa Facebook, mariing sinabi ni Bello na mananalo lamang si Robredo kung didistansiya mula sa katambal na inihambing ng dating mambabatas sa isang ‘bulok na paninda’ at sa ‘nanlilimahid na politika ng Liberal Party.’
“Kinakaladkad sa lusak si Leni ng kanyang partido,” ayon kay Bello na dating kaalyado ng administrasyong Aquino. Kumalas si Bello sa Akbayan Party-list matapos batikusin ang papel ni PNoy sa Mamasapano Massacre.
Maraming nagulat sa alyansang binuo ng LP sa mga Pineda ng Pampanga dahil minsan nang isinumpa ni Aquino na buburahin niya sa politika sa Pampanga ang mga Pineda, ang isa sa pinakamalaking kaalyado ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Marami rin ang nagitla nang halos malunod sa papuri ni Robredo ang pamunuan ni Pineda na sinubukang paalisin sa puwesto ng kanyang yumaong kabiyak na si Jesse Robredo dahil sa direktang kaugnayan nito sa operasyon ng jueteng sa bansa.
Bilang kalihim ng DILG, si Robredo ang humikayat kay dating Pampanga governor Fr. Ed Panlilio na kalabanin bilang gobernador si Pineda upang “sugpuin ang jueteng politics.”
Matapos iendoso ni Pineda, pinapurihan nang husto ni Robredo ang gobernador ng Pampanga at sinabi pa na si Pineda ay isang huwarang pinuno na dapat tularan.
“Nakamamangha ang kanyang pamamahala at dapat tularan ng iba pang mga lider sa ating bansa,” banggit ni Robredo bilang kapalit sa endoso sa kanya ni Pineda.
Ikinalungkot umano ni Bello ang nasabing kaganapan at binatikos ang LP dahil hinirang ang nabanggit na kaalyado ni Arroyo bilang pinuno ng kanilang partido sa Pampanga.
“Ang problema kasi rito, ang gobernadorang niyurakan noon ng LP na siyang tumatayong pangunahing halimbawa ng katiwalian ay siya ngayong tagapamuno ng nasabing partido sa nasabing lalawigan,” dagdag-batikos ni Bello.
Ayon sa dating kongresman, walang habas ang pagbabalewala sa mga tagapasimuno ng reporma sa partido upang makuha lamang ang suporta ng mga dinastiyang namamayagpag sa politika.
“Si Among Ed ngayon, sampu ng iba pang mga repormista sa LP ay nawalan ng halaga, gaya ng pagsasantabi kay Grace Padaca sa Isabela upang paboran ang madinastiyang angkan ng mga Dy. Maging sa La Union na nawalan ng papel ang repormistang si Henry Bacurnay upang makuha ang suporta ng angkan sa politika ng mga Ortega,” paliwanag ni Bello.
“Siya [Robredo] ay wala pang napapatunayan sa pangangasiwa. Ang tanong: kakayanin kaya niyang manindigan at magsabing, ‘ayoko na?’”