Lim inendoso ni Aquino
Hataw News Team
March 29, 2016
News
SA dalawang pangalan lang dapat ipagkatiwala ng mga Manilenyo ang poder ng lungsod, kina Alfredo Lim at Atong Asilo.
Ganito inendoso ni Pangulong Benigno Aquino III ang kandidatura ng tambalang Lim-Asilo na pambato ng Liberal Party sa Maynila sa proclamation rally na ginanap sa Plaza Miranda, Quiapo kagabi.
Binigyang-diin ng Pangulo na ang Plaza Miranda ay isang sagradong lugar para sa Liberal Party dahil literal na ibinuhos dito ang dugo ng mga miyembro ng partido nang pinasabog ang rally noong 1970 kaya hindi puwedeng magsabi ng kasinungalingan dito.
Opisyal na inumpisahan kahapon ng nagbabalik na si Manila Mayor Fred Lim ang kanyang kampanya sa pamamagitan ng isang motorcade na umikot sa iba’t ibang bahagi ng lungsod, dala ang plataporma ng gobyernong laban sa katiwalian at pangungurakot at pagbabalik sa mahihirap ng mga libreng serbisyo medikal sa lungsod lalo sa anim na ospital na pinatatakbo ng pamahalaang-lokal.
Bagamat Marso 25 ang opisyal na simula ng kampanya para sa lokal na eleksyon, kahapon lamang ito sinimulan ni Lim bilang paggalang sa Semana Santa na inoobserbahan ng nakararaming Katolikong Filipino.
Si Lim, na siyang pambatong kandidato ng Liberal Party para mayor ng Maynila, ay nakipagtagpo sa kanyang mga kasamahang kandidato alas-8 ng umaga sa Plaza Hernandez sa harap ng Tondo Church sa District 1. Mula roon ay sabay-sabay na silang nag-motorcade sa iba’t ibang bahagi ng Districts 1, 2, 3 at 4.
Ala-una ng hapon nang muling makipagkita si Lim sa kanyang mga kasamahang kandidato sa Army Navy Club sa Roxas Boulevard at mula roon ay nag-motorcade sila sa iba’t ibang bahagi ng Districts 5 at 6.
Ang noon ay nakatayo nang Ospital ng Maynila ay agad niyang ipinaayos sa pag-upo sa City Hall.
Ang motorcade ni Lim ay sinalubong ng supporters na nagpahayag ng labis na kagustuhang siya ay bumalik bilang alkalde dahil alam umano nila na kanya rin ibabalik ang mga libreng serbisyo sa mga ospital ng lungsod gayondin ang mababang amilyar.
Malugod na tinanggap ni Lim ang suporta at inulit ang pagtitiyak na kanyang ibabalik ang mga libreng hospital services sa anim na ospital, na lima rito ay si Lim ang nagpatayo.
Matatandaan na noong administrasyon ni Lim, libre lahat ang serbisyo medikal para sa mahihirap na residente na walang perang panggastos sa medisina at pagpapa-ospital, sa pamamagitan ng mga ipinatayong ospital ni Lim. Sa panahon ni Lim, ang anim na distrito ng lungsod ay may tig-isang ospital – Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, Ospital ng Tondo, Justice Abad Santos General Hospital, Ospital ng Sampaloc at Sta. Ana Hospital.
Samantala pinangunahan nina presidential at vice presidential candidates Mar Roxas at Leni Robredo ang LP proclamation rally sa Plaza Miranda sa Quiapo dakong 6:30 ng gabi (March 28). Kasama ni Lim ang mga kapwa kandidato hanggang konsehal.
Ayon sa kanyang chief of staff na si Ric de Guzman, ang kampanya ni Lim ay sesentro sa pagtitiyak na ibabalik ang lahat ng libreng pangunahing serbisyo na kanyang ipinatupad sa Maynila, na kinabibilangan ng libreng serbisyo medikal para sa mahihirap na hindi kayang gumastos para sa gamot at pagpapa-ospital.
Itinayo rin ni Lim ang 59 barangay health centers, 12 lying-in clinics o libreng paanakan, dalawang libreng kolehiyo, 85 daycare centers, 97 karagdagang bagong elementary at high school buildings, 130 bagong-gawang kalsada at dalawang evacuation centers kung saan maaring manatili ang mga residente sa oras ng emergency o kalamidad.
Ani De Guzman, ibabalik din ni Lim ang dating mababang tax rates na ipinatutupad noon ng kanyang administrasyon bago itinaas ng kasalukuyang administrasyon ng mahigit 200 porsyento.
Rose Novenario/Leonard Basilio