Sino ngayon ang kinarma?
Hataw News Team
March 23, 2016
Opinion
ANTI-PASISMONG makipot na maituturing ang isang grupo ng mga dating kaliwa na matindi ang kampanya laban sa kandidatura ng anak ng isang dating presidente ng bansa.
Nagbuo pa sila ng organisasyong katunog ng karma at tila nakipag-alyado at tinustusan ng mga ‘dilawan’ na may poder sa kasalukuyang administrasyon.
Walang nagmamaliit sa kanilang layunin sa pangangampanya laban sa anak ng dating presidente. Batid ng lahat na malawak ang kanilang network na binubuo ng mga maiimpluwensiyang tao. Kaya may kakayahan silang maglunsad ng kampanya laban sa kung sino ang ayaw nila.
Pero bakit laging nagpapakupot sa anti-pasismong makipot ang mga kilalang mga makabayan at nag-alay ng ilang panahon ng kanilang buhay para sa bayan?!
Hindi ba nila nasuri na mas ‘malupit’ ang nasa posisyon ngayon at nagnanasang manatili sa kanilang poder?!
Kahapon lang, sa ika-119 anibersaryo ng Philippine Army, ipinagmalaki ni PNoy na nalambat nila ang matataas na pinuno ng mga kaaway ng estado (leftist group) sa panahon ng kanyang administrasyon.
Sinabi ni PNoy na napalaya na raw ang 50 sa 76 probinsiyang apektado ng mga organisasyong makakaliwa.
Kasunod nito, ikinuwento ni PNoy ang karanasan ng ama nang makulong sa Fort Bonifacio na pinahirapan ng mga militar noon.
May wisyo ba ito?
Ang karma nga naman.