Sunday , December 22 2024

3 alas ni PNoy tanggal kay Grace — Chiz (Yes sa 4Ps, No sa 3As)

KAHIT minsan nang naihayag ni independent presidential frontrunner Sen. Grace Poe ang planong magtalaga ng ilan sa mga kasalukuyang miyembro ng gabinete sa kanyang pangasiwaan, inilinaw naman ng kanyang katambal na si Sen. Chiz Escudero na hindi kabilang sa kanila sina Budget Secretary Florencio Abad, Transportation and Communications Secretary Joseph Emilio Abaya, at Agriculture Secretary Proceso Alcala.

“Ire-retain natin ang 4Ps pero hindi ang 3As. ‘Yung 4Ps kasi nakakatulong sa tao, ang 3As hindi,” ayon kay Escudero, na tinutukoy ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng gobyerno at ang tatlong nabanggit na miyembro ng gabinete ni Pangulong Benigno Aquino III.

Malinaw umano ang track record, o kawalan nito, sa pagsisilbi ni Abaya at Alcala, ayon pa sa Bicolanong Senador.

Sa aming paninilbihan sa Senado, nagkaroon kami ng pagkakataong masuri kung ano ang ginagawa ng nabanggit kong mga kalihim sa loob ng kanilang termino, at naniniwala kami na mas higit pa sana ang maa-aring nagawa upang maibsan ang paghihirap ng mga pasahero at mga magsasaka; ngunit ikinalulungkot namin dahil hindi talaga naisagawa ang mga nararapat,” diin ni Escudero.

Pangunahin umanong halimbawa rito ang DOTC sa ilalim ni Abaya na nabigong tugunan ang nagkapatong-patong nang problema sa MRT.

“Mahigit sa kalahating milyong komyuter ang sumasakay sa MRT araw-araw, at kailangan nilang pagdusahan ang kalbaryo ng mahabang pila at kalunos-lunos na serbisyo, kasama na ang iilang natitirang tren, matagal na hintayan at ang madalas na ‘cutting trip’ dahil sa maya’t mayang pagkasira. Walang puwang sa Gobyernong may Puso ang ganitong uri ng paglilingkod o serbisyo publiko.”

Pinuna rin ng dating chairman ng Senate Finance Committee na mistulang kinawawa ni Alcala ang sektor ng agrikultura sa nakapanlulumo nitong kalagayan sa kabila ng pagbuhos ng pondo para rito.

Ayon kay Escudero, “Ang sektor ng sakahan ay nasa 0.02% lamang noong 2010, 2.58% sa ikalawa niyang taon bilang kalihim, 2.81% noong 2012, 0.86% nang sumunod na taon at 1.57% noong taon 2014.

“Ang masama pa rito, pinakamataaas ang antas ng kahirapan sa sektor ng mga mangingisda o namamalakaya sa 41.4% o mahigit sa apat sa sampung mangingisda ang naghihikahos, at halos kasindami din ang antas o bilang ng mga magsasakang nagdarahop sa naitalang 36.7 percent. Ginawa sanang prayoridad ang pagpapasigla ng produksyon, maibsan man lang ang kanilang pinapasan.

“Ngunit hindi ko matanggap na makokompleto ni Alcala ang buong termino ng pangulo sa kabila ng paulit-ulit na kabiguang bigyang-lunas ang paghihingalo ng sektor ng sakahan.”

Ang pagsasaayos ng produksyong pansakahan, dagdag ni Escudero, ay hindi lamang makabubuti sa mga magsasaka dahil lahat ay makikinabang sa mas mababang presyo ng pagkain.

Parang nadala naman si Escudero sa serbisyog ibinigay ni Abad sa Department of Budget and Management nang sabihin na, “Mas makabubuti sa bansa kung hindi politiko ang hihiranging kalihim sa DBM para maiwasan ang pagkakasangkapan sa ahensiya sa hangaring pampolitika.”

“Naikuwento minsan ni Sen. Grace sa kanyang talumpati ang tungkol sa isang kongresista na hindi makakasuporta nang hayagan dahil sa takot na maharang ang pondo ng isang proyekto sa kanyang distrito; baka raw hindi na mailabas ang pondo at maunsyami ang proyekto,” ayon kay Escudero.

“Dapat hindi ginagamit ang DBM o kahit na ano mang ahensiya para gipitin ang mga kalaban sa politika. Maiiwasan lamang ang ganitong panggugulang o panlalamang kung isang teknokrat o kilalang eksperto – sa halip na lider ng partido – ang itatalaga sa puwesto.”

About Hataw News Team

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *