Grace Poe pinaboran ng Korte Suprema (Sa 9-6 boto)
Niño Aclan
March 9, 2016
News
PINABORAN ng Supreme Court (SC) ang pagtakbo bilang pangulo ni Senadora Grace para sa May 9, 2016 elections sa botong 9-6.
Ang kataas-taasang hukuman ay bumoto ng 9-6 pabor kay Poe kaugnay sa kasong disqualification na inihain ng Comelec bunsod ng citizenship at residency issues.
Si Poe, tumatakbo bilang independent candidate, ay diniskwalipika ng dalawang dibisyon ng poll body nitong Disyembre bunsod nang pagkabigong matugunan ang citizenship at 10-year residency requirements para sa presidential candidates.
Ayon sa second division, tumalakay sa disqualification case na inihain ni Atty. Estrella Elamparo, may deliberate attempt sa panig ni Poe “to mislead, misinform or hide a fact” sa mga botante nang ilagay niya sa kanyang certificate of candidacy (CoC) na siya ay residente ng Filipinas sa loob ng 10 taon at 11 buwan hanggang sumapit ang May 9, 2016 polls.
Habang ang first division, tumalakay sa consilidated petitions nina dating Senador Senator Francisco “Kit” Tatad, dating UE Law Dean Amado Valdez, at De La Salle University Professor Antonio Contreras, ay nag-isyu rin ng katulad na desisyon.
Sinabi ng first division, hindi maaaring igiit ni Poe na siya ay natural-born Filipino sa ilalim ng 1935 o 1987 Constitution dahil “she could not definitively show her direct blood relationship with a Filipino parent since her biological parents are unknown.”
Naghain ang senadora ng motions for reconsideration sa Comelec en banc (full bench), ngunit pinagtibay ng en banc ang naunang desisyon ng first at second division na nagkakansela sa CoC ni Poe.
Gayonman, hindi sumuko si Poe at idinulog ang isyu sa SC, na nag-isyu ng temporary restraining orders (TROs) laban sa disqualifications na ibinaba ng poll body.
Tagumpay ng pulot at kababaihan
MULING nagtagumpay si presidential aspirant Sen. Grace Poe nang payagan siya ng Korte Suprema na ipagpatuloy ang kanyang kandidatura matapos ang ilang buwang labanang legal.
Sa kanyang talumpati ng Gabriela sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa Liwasang Bonifacio, sinabi ni Poe, lumabas sa tamang oras ang desisyon ng Korte Suprema na nagbabalewala sa unang naging hatol ng Commission on Elections hinggil sa kanyang kandidatura.
“Mga kababayan, siguro talagang ginusto ng Diyos na ang balitang ito ay makarating sa atin ngayong araw na ito,” ani Poe sa harap ng nagdiriwang na kababaihan at iba pang sector na lumahok sa pagkilos.
“Ito po ay hindi lamang tagumpay ko, kundi tagumpay ng ating mga kababayan; at higit sa lahat tagumpay ng mga inaapi; tagumpay ng mga nahihirapan sa sistema at tagumpay ng mga kababaihan,” aniya.
Si Poe, na inabandona sa simbahan ng Jaro sa Iloilo noong sanggol pa lamang, ang kauna-unahang pulot o “foundling” na tumakbong presidente.
Noong tumakbong senador noong 2013, nakakuha si Poe ng mahigit 20 milyong boto, ang pinakamataas na bilang ng botong nakuha ng isang kandidato sa kasaysayan ng eleksiyon ng Filipinas.
“Sabi ng iba, ako raw ay minamaliit dahil ako raw ay isang babae at teacher pa man din. Ano raw ang karapatan ko tumakbo bilang pangulo? Mga kababayan, ang mga babae ay hindi mayayabang pero makikita naman natin na hindi kayo sumusuko sa laban, lalong-lalo na kapag ang ipinaglalaban ninyo ay mga mahal ninyo,” aniya.
Nagbigay-pugay si Poe sa kanyang kinilalang mga magulang, ang “Hari at Reyna” ng pelikulang Filipino na sina Fernando Poe Jr., at Susan Roces. Aniya, pinalaki siya ng kanyang mga magulang na marunong ipaglaban kung ano ang tama.
“Pinalaki ako ni FPJ na mapagmahal sa kapwa at hindi sumusuko. Pinalaki rin ako ni Susan Roces na maging matapang na babae, marunong magtrabaho at tumutulong sa pamilya,” ani Poe.
Ayon kay Poe, tumatakbo sa ilalim ng “Gobyernong may Puso,” kailangan ng pagmamalasakit para masolusyonan ang maraming hamon na kinahaharap ng kababaihan ngayon, kabilang ang kahirapan at epekto ng migrasyon sa kanilang mga pamilya.
Pagbubunyag ni Poe, 26 porsyento ng kababaihang Filipino ay maralita.
Sa ibang mga lugar, napakataas ng insidente ng kahirapan sa hanay ng mga kababaihan—45 porsiyento sa Silangang Visayas at 55 porsyento sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.
“Alam natin, sa bansa bagama’t maganda at maraming oportunidad at mayaman ang Filipinas, hindi kumakalat ang yaman sa lahat at marami pa rin ang napag-iiwanan,” aniya.
Kung mananalong presidente, sinabi ni Poe na titiyakin niyang magkaroon ng kita at oportunidad pangkabuhyan ang kababaihan.