‘Pag pangulo na ko mas maraming kalaboso – Miriam (Ex-Rep Pingoy Top 1 sa kickback sa PDAF)
Hataw News Team
March 7, 2016
News
NANGGAGALAITING isinumpa ng presidentiable na si Senadora Miriam Defensor Santiago na pupursigihin niya ang pagsasampa ng kaso laban sa mga mambabatas na sangkot sa multi-bilyon pisong Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam, hanggang mahatulan, matapos isakdal ng Ombudsman ang limang dating mambabatas dahil sa pagtanggap ng kickback mula sa PDAF scam mastermind na si Janet Lim – Napoles na ang pinakamalalaki umanong halaga ay napunta sa tatlong kongresista sa Mindanao.
Ayon sa Ombudsman, nabunyag sa mga ebidensiyang hawak nila na ang dating kongresista ng South Cotabato na si Rep. Arthur Pingoy, Jr., ang may pinakamalaking tinanggap na kickback na umabot sa P7.5 milyon.
Sinundan ito ni dating Davao del Sur Rep. Marc Douglas Cagas IV na nakatanggap umano ng P5.5 milyon at P3.17 milyon naman ang napunta umano kay dating Davao Del Norte Rep. Arrel Olaño.
Sa kanyang talumpati sa harap ng 3,000 youth voters sa Our Lady of Fatima University sa Lungsod ng Valenzuela, sinabi ni Santiago na ipag-uutos niya ang “mabilisang imbestigasyon at prosekusyon ng mga kaso laban sa mga sangkot sa PDAF scam.”
Giit niya, kailangan masampahan ng kaso at mahatulan ang mga mambabatas na ‘sabit’ sa PDAF upang matiyak na walang pondo ng gobyerno ang muli pang maipagkakait sa kapakinabangan ng publiko.
“Kapag mananatiling nakalalaya ang mga ganyang politiko, makababalik lang sila sa poder at muling magnanakaw ng pondo ng publiko,” diin ni Santiago.
Matapos sumuko sa Department of Justice noon sa ilalim ng panunungkulan ni Sec. Leila De Lima, ibinunyag ng whistleblower na si Benhur Luy ang pagkakasangkot ng 14 senador, 120 kongresista at ilang bogus NGO sa PDAF scam.
Ngunit hanggang magbitiw sa DOJ upang tumakbong senador si De Lima, tanging ang tatlong senador lamang mula sa oposisyon at 25 kongresista ang nasampahan ng kaso sa nasabing scam.
Bukod kina Pingoy, Cagas at Olaño, pinagtibay ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang nakitang probable cause para masakdal sa Sandiganbayan ang mga dating kongresista na sina Rozzano Rufino Biazon (Muntinlupa City), Rodolfo Valencia (1st district, Oriental Mindoro), at ilan pang mga opisyal at pribadong personalidad kaugnay sa nabanggit na scam.
Sa limang magkahiwalay na direktiba, ipinag-utos ni Morales ang pagsasampa ng impormasyon sa Sandiganbayan dahil sa paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act No. 3019), Malversation (Article 217, Revised Penal Code), at Direct Bribery laban sa limang kongresman at iba pang mga opisyal kabilang si dating Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Zenaida Ducut, ang mga opisyal ng Department of Budget and Management (DBM), ng Technology Resource Center (TRC), ng National Business Corporation (NABCOR) sampu ng mga kinatawan ng non-governmental organizations (NGOs) at si Janet Lim Napoles.