Monday , December 23 2024

Aguilar New Parañaque Liga President (Anak ni Tsong bumaba sa puwesto)

030716 FRONTSA KABILA ng naunang nangyaring sigalot, pormal na naupo nitong Lunes bilang bagong pangulo ng Liga ng mga Barangay sa Parañaque City si Kapitan Chris Aguilar ng Brgy. Marcelo Green nang tuluyang bumaba sa puwesto si Jeremy Marquez, ang anak ng aktor at komedyanteng si Joey Marquez.

Kaugnay nito, nangako si Aguilar na mas lalo pa niyang pag-iibayuhin ang paglilingkod sa bayan at sisikapin niyang maging karapat-dapat sa bagong tungkuling iniatang sa kanya.

“Una sa lahat ay nais kong magpasalamat sa lahat ng aking mga kapwa punong barangay sa tiwalang ibinigay nila sa akin nang ihalal nila ako bilang kanilang bagong pangulo. Dahil dito ay gagawin ko ang lahat upang magampanan nang mahusay ang aking mga tungkulin,” wika ni Aguilar.   

Sang-ayon sa batas bilang pangulo ng Liga ng Barangay ay nabigyan din ng karapatan si Aguilar na maging kinatawan sa konseho ng lungsod at maaari siyang lumahok sa mga talakayan at magpanukala ng mga batas para sa ikabubuti ng mga mamamayan ng Parañaque City.

Matatandaan na nabalot ng kontrobersiya ang isyu ng pamumuno sa Liga matapos maglabas ng resolusyon noong Disyembre 23, 2015 ang mga punong barangay na nagpapatalsik kay Marquez, dahil sa sinasabing magaspang na pag-uugali at pagiging oportunista na nagresulta  na rin sa kawalan nila ng tiwala sa kanyang patuloy na pamumuno sa kanilang samahan.

Idineklara nilang bakante ang posisyon ng pangulo at itinakda ang isang halalan noong Disyembre 29, 2015 at doon ay nanalo si Aguilar. Nitong Enero 4 ng kasalukuyang taon pormal na siyang nanumpa bilang bagong pangulo. 

Pero nagmatigas si Marquez at nagtangka pang magpatawag ng pagpupulong ngunit hindi siya sinipot ng kanyang mga kasamahan.

Tuluyang gumuho ang pangarap ni Marquez na manatili sa puwesto matapos lumabas ang desisyon ni Parañaque Regional Trial Court Branch 257 Judge Rolando G. How nitong Enero 14 na tumangging maglabas ng TRO pabor sa kanya.

Sa kanyang petisyon, sinabi ni Marquez na kailangan maglabas ng TRO ang korte sapagkat maaapektohan ang katungkulan niya bilang kinatawan sa city council, pero ibinasura ng hukom ang katuwiran niyang ito sa pagsasabing kayang gampanan ni Aguilar ang mga gawain niya sa konseho.

Naobliga si Marquez na umatras at makiusap na lamang sa mga kasamahan na pagbigyan siyang umupo hanggang Pebrero 29 upang makapaghakot siya ng mga gamit at tapusin ang ilang gawain.

Matatandaan sa isang panayam, kinompirma ni Johnny Co, punong barangay ng Sto. Niño, na napagkaisahan nilang sipain sa puwesto si Marquez sa pamamagitan ng isang resolusyon dahil sa paggamit sa kaniyang posisyon para isulong ang sariling interes imbes isulong ang kapakanan ng mga mamamayan sa kanilang lungsod.

Napag-alaman, may nauna nang gentlemen’s agreement sina Marquez at Aguilar kaugnay sa term sharing bilang pangulo ng kanilang samahan. Dapat mauupo si Marquez sa loob ng isa’t kalahating taon at ang nalalabing 18 buwan naman ay si Aguilar ang magtatapos.

Ang termino nila bilang mga bagong halal na punong barangay ay nagsimula noong tanghali ng Nobyembre 30, 2013 at magtatapos naman sa Nobyembre 30, 2016.

Kung nasunod ang usapan, dapat ay uupo bilang pangulo si Marquez hanggang Hunyo 2015 lamang at pagkatapos noon ay papalitan na siya ni Aguilar na uupo hanggang Nobyembre 30 ngayong taon.

Ngunit nang sumapit ang Hunyo noong nakaraang taon ay hindi bumaba si Marquez kaya naobliga si Aguilar noong Nobyembre na lantarang hilingin sa harap ng mga kapwa nila kapitan na tuparin ang kanilang usapan.

About Hataw News Team

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *