Poe-Escudero inendoso ng NPC
Hataw News Team
March 1, 2016
News
INENDOSO kahapon ng Nationalist People’s Coalition (NPC) ang kandidatura nina senators Grace Poe at Chiz Escudero, at sinabing handa raw ibuhos ang puwersa ng kanilang partido para ipanalo ang dalawang independent na kandidato ngayong Mayo.
Pangalawa ang NPC sa pinakamalaking partido-politikal sa bansa.
Sabi ng presidente ng NPC na si Deputy Speaker Giorgidi Aggabao, binasbasan ng partido ang kandidatura nina Poe at Escudero makaraan ang pakikipagpulong sa presidentiables at konsultasyon sa kanilang mga miyembro.
Dagdag ni Aggabao, 90% ng miyembro ng NPC ay pabor na tuluyang iendoso ang standard bearers ng Team Galing at Puso.
Pinasalamatan ni independent vice presidential candidate Chiz Escudero ang endoso ng NPC at sinabing ito ay isang “vote of confidence” sa plataporma ng kanyang katambal na si presidential candidate Sen. Grace Poe.
Nagpapatunay din aniya na naniniwala ang NPC sa kanilang kakayahan upang maging susunod na mga lider ng bansa.
Ayon kay Escudero, malaking bagay ang pag-endoso ng NPC dahil ito ang tanging major political party na nagkaloob sa lahat ng kandidato ng pagkakataong ipaliwanag ang kanilang mga programa para sa bansa.
Ikinompara ni Escudero sa isang job interview ang ginawang proseso ng pamimili na ginawa NPC.
Ani Escudero, kasama sa job interview ay mga gobernador, congressman, at mayor, at malinaw na nabatid na taglay ni Poe ang mga katangian na hanap nila sa susunod na pangulo, “isang unifying at inspiring figure na malinis, matapang, at magaling.”
Dagdag ni Escudero, malaki ang maitutulong ng NPC, ang dati niyang partido.
“Malaki ang pasasalamat ko sa aking dating partido… malaking boost ito para magkaroon kami ng presensiya sa mas maraming parte ng Filipinas.”
Ang NPC ay may 4,129 kakandidato sa May 2016. Ito ay may 2,400 opisyal sa buong bansa, kabilang ang 42 kongresista, 14 na gobernador, at lampas sa 240 na mayor