MILF pasok sa illegal drugs sa CL (Hinala ng PDEA Central Luzon)
Hataw News Team
February 29, 2016
News
CITY OF SAN FERNANDO – Inihayag ni Philippine Drug Enforcement Agency’s Region 3 (PDEA3) Director Gladys F. Rosales nitong Sabado, ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay maaaring lumahok na sa pagpapakalat ng illegal na droga sa Central Luzon.
Ang pahayag na ito ni Rosales ay kasunod nang pagkaaresto sa isang suspek na platoon Leader ng MILF at dalawang iba pa sa drug bust operation sa parking lot ng shopping complex nitong Linggo.
Ayon kay Rosales, malaki ang posibilidad na ang MILF ay nagpapatakbo ng drug business at isa sa mga erya ng operasyon nito ay sa Central Luzon.
Kinilala niya ang naarestong suspek na si Alan A. Lao, 21, alyas Jimboy, sinasabing MILF platoon leader, at tubong Marawi City. Arestado rin ang mga kasama niyang sina Andi A. Baraiman, 37, at Latip A. Baraiman, 39, kapwa ng Lanao Del Sur at naninirahan sa Brgy. San Pablo, Castillejos, Zambales.
Sinabi ni Rosales, narekober ng mga operatiba ng PDEA3 mula kay Lao ang identification card (ID) na tumutukoy sa suspek sa kanyang posisyon sa MILF. Nakompiska rin mula sa suspek ang 50 gramo ng shabu.
Sa interogasyon, sinabi ni Rosales, aminado si Lao na aktibo siyang miyembro ng MILF ngunit hindi na nagbigay pa ng detalye hinggil sa kanyang pagkakaugnay sa separatist group.
Pahayag pa ni Rosales, patuloy ang kanilang interogasyon kay Lao upang mabatid kung ang pananatili niya sa Region 3 ay personal na desisyon o may kaugnayan sa MILF, idinagdag na ang sakop ng operasyon ni Lao ay kinabibilangan ng City of San Fernando sa Pampanga, Olongapo City at Bataan.
Si Lao ang pangalawang MILF rebel na bumagsak sa kamay ng PDEA3.
Ayon kay Rosales, si Lao at ang kanyang mga kasama ay naaresto makaraan iabot sa PDEA agent ang isang plastic bag na naglalaman ng shabu sa parking lot sa Robinson Starmills sa Brgy. San Jose sa nasabing lungsod.
1 patay, 18 arestado sa Bulacan drug bust
CAMP OLIVAS, Pampanga – Patay ang isang hinihinalang miyembro ng sindikato sa droga habang 18 ang naaresto mula sa iba’t ibang drug den kasunod nang sunod-sunod na pagsalakay ng mga awtoridad sa magkakaiwalay na lugar sa lalawigan ng Bulacan nitong Sabado.
Ayon kay Senior Supt. Tim Pacleb, Officer-in-Charge ng Bulacan Provincial Police Office (BPPO), ang pagsalakay ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng Philippine National Police (PNP) na ‘Oplan one-time big time’ laban sa mga sindikato sa droga sa lalawigan.
Aniya, mas matindi pang kampanya laban sa illegal na droga ang kanilang isasagawa sa susunod na mga araw upang masugpo ang pagkalat ng shabu sa mga lansangan.
Sa kanyang ulat kay Chief Supt. Rudy Lacadin, Director Central Luzon PNP, kinilala ni Pacleb ang napatay na suspek na si Jiji Abalos, hinihinalang miyembro ng Joseph Rivas criminal gang.
Aniya, si Abalos ay nakipagpalitan ng putok sa mga awtoridad na nagresulta sa kanyang pagkamatay.
Samantala, sa nasabing pagsalakay, limang iba’t ibang uri ng armas, 48 sachet ng shabu at tatlong pakete ng marijuana ang nakompiska ng mga awtoridad.