Ang ilusyon ni Win Gatchalian
Hataw News Team
February 29, 2016
Opinion
KUNG salitang kalye ang gagamitin, hindi lang ilusyon ang nangyayari ngayon kay Valenzuela Rep. Win Gatchalian kundi nahihibang.
Paniwala kasi ni Win ay mananalo na siya sa pagkasenador sa darating na eleksiyon kahit malabo itong mangyari.
Hindi nangangahulugang malapit na siyang makapasok sa “Magic 12,” batay sa pinakahuling survey ng SWS, ay sigurado na mananalo siya sa senatorial race. Kung tutuusin, delikado pa rin siya sa 13th place dahil dikit-dikit sila nina Rep. Martin Romualdez, Francis Tolentino, Mark Lapid at Joel Villanueva.
At huwag ipagmamalaki ni Win na bilang isang kongresista maraming estudyante na ginawa niyang scholar dahil kung ikokompara ang bilang ng mga adik sa droga sa Valenzuela City, ay higit na nakalalamang ang bilang ng huli.
Ang mga biktima ng droga ang dapat na unahin tulungan ni Win dahil bukod sa kanya, ang kapatid niyang si Rex ay mayor ng Valenzuela City at si Wes naman ay party-list representative. Kung inuuna lang kasi ni Win ang kapakanan ng mahihirap sa Valenzuela City baka ang pagkalat ng droga ay nasawata na niya.
Pero ano ang magagawa natin, kahit na gumastos pa nang milyon-milyong piso si Win, desidido talaga siyang maging senador kahit alam naman siguro niyang mahihirapan siyang manalo.
Sayang talaga ang perang winawaldas ni Win, sana sa mahihirap na lang ng Valenzuela niya ito iginugugol.