5 Bagong kapilya ng INC pasisinayaan (North American expansion program)
Hataw News Team
February 17, 2016
News
INIANUNSIYO ngayong Martes ng Iglesia ni Cristo (INC) ang pagpapasinaya ng limang bagong kapilya sa North America bilang bahagi ng programa ng Iglesia sa pagpapalawak, na tinawag nitong “pagpapaigting ng pananampalataya ng mga kapatid sa ibang bahagi ng mundo at ang lumalaking pagkilala sa natatanging karakter nitong Iglesiang Kristiyano.”
Ibinunyag ni INC spokesperson Edwil Zabala na si Executive Minister Bro. Eduardo V. Manalo ay nakatakdang bumisita sa Estados Unidos upang ihandog sa Diyos apat na kapilya at pasinayaan ang isang bagong tayong kapilya sa Canada mula sa buwang kasalukuyan hanggang Marso ngayong taon.
“Excited po kami, ngunit marahil ay higit pa ang nararamdamang pagkatuwa ng mga kapatid na nasa lokal kung saan itinayo ang mga bagong bahay-pagsamba ang pasisinayaan at ihahandog sa Diyos. Matagal nang hiling ng aming mga kapatid sa North America ang mga kapilyang ito, kung kaya kami ay nagagalak na, dahil sa gabay ng kasalukuyang pangangasiwa ng INC, ang mga sambahang ito ay naipatayo na rin.”
“Ang mga bagong kapilya sa America ay sadyang ikinalat sa iba’t-ibang bahagi ng continental US, mula sa West Coast hanggang sa East Coast,” ayon pa kay Zabala.
Nakatakdang pasinayaan ni Executive Minister Manalo ang mga kapilyang may tinatatayang 300 seating capacity sa Bakersfield, California, sa Jersey City, New Jersey, sa Orange Park, Florida at sa Lubbock, Texas. Ang huli ay ang pinakamalaking kapilya kung saan ang main worship hall nito ay may 484-seating capacity at ang function hall nito ay kayang tumanggap ng karagdagang 150 katao.
Ang pasisinayaang kapilya sa Regina, Canada ay may kapasidad na 250 katao sa main worship hall nito at karagdagang 100 sa kanyang function hall.
“Patuloy na tinatamasa ng INC ang biyaya ng isang pinasiglang Iglesia na nabigyan ng panibagong lakas sa ilalim ng pamumuno ni Executive Minister Bro. Eduardo V. Manalo. Umaasa kami sa mas marami pang biyaya ng mga bagong kapilya sa ibang bahagi ng mundo, sa mga buwang darating,” ayon pa sa tagapagsalita ng INC.