Major network binatikos (Biased, de facto electioneering)
Hataw News Team
February 12, 2016
News
“KUNG hindi rin lang susundin ng lahat, ‘wag na lang tayong magpatupad ng ethical standards.”
Ito ang sinabi ng abogadong si Raul Lambino kahapon, Huwebes kasabay ng pagbatikos sa isang major television network ng “de facto electioneering” dahil sa pagpapalabas ng talambuhay ni Liberal Party vice presidential bet Leni Robredo sa isang primetime drama tatlong araw bago ang opisyal na simula ng campaign period para sa mga pambansang posisyon.
“Mahilig ilapat ng media ang mataas na ethical at moral standards sa mga kandidatong tumatakbo sa halalan, at mabilis sa pagkondena kapag nakakakita ng maling ginagawa,” ayon kay Lambino, ang Senior Deputy Secretary General ng Lakas CMD.
“Sana, ang media rin ay dapat na lapatan ng katulad na pamantayan o batayang polisiya. Bagamat maaari nga na, technically, walang paglabag ang ABS-CBN noong ipinalabas nila ang biopic ni Robredo bago ang opisyal na simula ng kampanya, kuwestiyonable ang ‘timing’ sa pagpapalabas ng nasabing episode at nagpapakita lamang ng bias o pagkiling ng nasabing network,” bigay-diin pa ng abogado.
Ayon Fair Elections Act, “No movie, cinematography or documentary portraying the life or biography of a candidate shall be publicly exhibited in a theater, television station or any public forum during the campaign period.”
Iginiit ni Lambino na ang malalaking media network ay dapat na “iwasan ang ganitong mga kuwestiyonabling gawain” dahil “sinisira nito ang kredibilidad ng institusyon na umaasa ng impormasyon ang publiko.”
Dagdag niya, hindi ito ang unang pagkakataong nakitaan ng “biases” ang ABS-CBN pabor o laban sa mga itinatampok ng network sa mga ibinabalita nito.
“Personal kong natutunghayan ang kuwestiyonableng pagtrato ng network sa mga balita tungkol sa Iglesia ni Cristo (INC),” ayon kay Lambino.