Leyte BM Apostol at dyowa inasunto ng murder
Hataw News Team
February 12, 2016
News
POSIBLENG sa kalaboso magsama ang isang Board Member ng Sanguniang Panlalawigan ng Leyte at kanyang live in partner matapos mabunyag na sila ang nasa likod sa pagpatay sa pinagbintangang nagnakaw ng gasoline, apat na taon na ang nakakalipas.
Kahapon isinampa na ang kasong murder laban kina Board Member Anlie Go Apostol at live-in partner na si Vilma Obaob, sa sala ni Judge Lauro Castillo Jr., ng Carigara, Leyte RTC Branch 36.
Sa sinumpaang salaysay ni Alexander Tremedal, ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Dennis Mesias, 29, residente ng bayan ng Barugo, Leyte, idinawit niya sina Apostol at Obaob na siyang nag-utos para barilin si Mesias, noong Setyembre 12, 2012.
Sa salaysay kay Carigara Police chief investigator SPO4 Rufo Canende, inamin ni Tremedal na siya ay bodyguard ni Apostol bago nangyari ang krimen. Si Apostol ay dating alkalde sa bayan ng Carigara at anak ni Leyte 2nd District representative at Deputy Speaker for Visayas Sergio apostol.
Ayon kay Tremedal, inutusan siya umano ni Obaob, ang live-in partner ni Apostol na iligpit si Mesias, suspek sa pagnanakaw sa Star Oil gasoline station na pag-aari ng dalawa.
Aniya, binalaan siya ni Obaob na kung hindi kaya ang ipinapagawa ay maghanap na ng ibang trabaho dahil sayang daw ang ibinabayad sa kanya.
Sa takot na mawalan ng trabaho, sumang-ayon umano siya na gawin ang iniuutos kasama ang kapatid ni Obaob na si Alfrefo “Pidong” Obaob, at iba pa na kinilalang sina Melanio “Melie” Dacalllos at Jay-R Tumamak.
Kinabukasan, dakong alas-5 ng umaga, nang makita nila si Mesias sa kanyang bahay na katapat lamang ng gasoline station ng mga mastermind, ay agad binaril nang dalawang beses ang biktima.
Sa salaysay niya sa imbestigador, ang baril na .45 kalibre na ginamit kay Mesias ay iniabot ni Pidong.
Matapos ang pamamaril, mabilis na umalis ang mga suspek patungo sa bayan ng Capoocan para sumakay sa isang van patungong Tacloban.
Doon nakilala ni Tremedal ang isang Emmanuel “Jojo” Santos na siyang tutulong umnao sa kanyang pagtatago.
Habang nasa van tinawagan ni Pidong si BM Anlie Apostol para ibalita na nagawa na nila ang kanilang trabaho. Iniutos din ni Apostol na itapon ang baril na ginamit sa krimen.
Ayon sa suspek, noong Pebrero 2013, binisita ni Anlie si Tremedal sa bahay ni Jojo sa Burauen at kinausap na huwag muna siyang lalabas hanggang hindi pa natatapos ang 2013 election.
Nangako rin si Anlie na magbibigay ng halagang P20,000 na gagamitin ng kanyang asawa patungong Cotabato.
Inamin din ng suspek na nakokonsiyensiya na siya kaya ibinulgar niya kung sino-sino ang nasa likod ng pamamaslang.
Napag-alaman na si Tremedal ay nahuli ng mga pulis sa isang follow-up operation sa Cotabato noong Oktubre 20, 2013.