KAKAIBANG uri ng scammer, o manloloko, si David Deng—ang binibiktima niya’y mga Chinese immigrant sa San Gabriel Valley na desperadong maging US citizen.
Binansagan ang sarili bilang ‘supreme commander’ ng isang ‘special forces reserve’ nahaharap ngayon si Deng sa pag-operate ng bogus military recruitment facility sa Temple City, na sinisingil niya ang ilang Chinese national nang malaking halaga bilang kabayaran para sa pagtulong niya umanong maging American citizen sila.
Ang itinayo ni Deng na military recruitment center ay harapan lamang ng isang tindahan na may window dressing para magmukhang isang military installation at si Deng ang commander ng kakaibang immigration scam, na ginamit ang recruitment para sa pekeng hukbo ng mga sundalo at bumiktima sa mahigit 100 niyang kababayan.
Pero walang duda na talagang planado ang scam na ginawa niya.
Nagawa niyang pagmartsahin ang kanyang pekeng hukbo sa mga parade sa selebrasyon ng Chinese New Year at sa USS Midway museum sa San Diego ay tumanggap siya ng special military tour nang naka-uniporme.
Maging ang mga pahayagan sa China ay nagawang lokohin ni Deng, at inilabas pa sa kanilang mga diyaryo ang mga larawan ng kanyang ‘mga sundalo’ katabi ang mga prominenteng personalidad.
Sinasabing sini-ngil ni Deng ang mga army recruits, na ang karamihan ay mga low-wage-earner na nagtatrabaho sa mga Chinese restaurant, ng halagang US$300 hanggang US$450 para mapabilang sa kanyang special forces, bukod pa sa annual fee na US$120.
Dangan nga lang ay nadiskubre rin ng FBI ang modus ni Deng at naaresto siya. Ngayon ay nahaharap siya sa 13 bilang ng theft by false pretenses, manufacturing deceptive government documents at counterfeit of an official government seal.
Kinasuhan din siya ng possession of child pornography, na nadiskubre ng mga awtoridad nang ma-raid ang kanyang tahanan.
Kinalap ni Tracy Cabrera