PINILING adhikain dati ni Miss Universe Pia Wurtzbach ang AIDS awareness at relief operations sa mga lugar na tinamaan ng sakuna, ngunit ngayon ay isinusulong ngayon ang kampanya laban sa cyberbullying.
Ayon sa ulat ng PEP News, kasalukuyang naghahanap si Wurtzbach ng mga establisadong organisasyon na may adhikaing labanan ang paglaganap kundi man mapatigil ang problema ng cyberbullying.
Gayon pa man, naniniwala rin naman ang 26-anyos beauty queen na ang pagtatalumpati niya kontra sa nabanggit na isyu ay sapat na para makatulong na lutasin ang lumalalang usapin.
“Sinusubukan kong maging mabuting ehemplo sa pamamagitan ng patuloy na pagpapaalala sa lahat na iwasang magbatikusan o magbigay ng reaksiyon,” aniya.
Sa nakalipas, si Wurtzbach mismo’y nakaranas ng cyberbullying simula nang mapanalunan ang korona ng Miss Universe pageant nitong nakaraang taon. Bukod sa maakusahan ng mga tagasuporta ni Miss Colombia Ariadna Gutierrez sa pagnanakaw sa titulo mula sa totoong nagwagi, mahigpit din ang pagdepensa sa kanya ng kanyang fans hanggang mistula nang inaatake ang mga kritiko ni Wurtzbach.
Kabilang dito si Miss Germany Sarah-Lorraine Riek, na binatikos ng supporters ni Wurtzbach dahil sa paghahayag ng kanilang suporta sa ibang contestant, at ang latest din ay laban kay Miss Australia Monika Radulovic, na ang komento ukol sa tatlong top three contestant ay iniringan ng fans ngunit nagbunsod naman kay Wurtzbach na mamagitan at paalalahanan silang pabayaan na si Radulovic at itigil ang pagbatikos.
Punto nga ng Pinay Miss Universe: “Kahit sa ating mga kababayang Pinoy, sana huwag silang mag-react sa mga basher sa online. Hindi kailangan mag-respond. Hindi kailangan mag-react.”
“Ang ibig kong sabihin, oo, cyberbullying ito dahil ginagawa nila ito sa akin. Pero bullying din naman kung kukuyugin ang isang tao,” dagdag ni Wurtzbach.
ni Tracy Cabrera