SA nakaraan, tanging mga dambuhalang halimaw lang ang umaakyat sa gilid ng gusali tulad ni King Kong at Godzilla. Ngunit sa China, isang restawran sa Jinan City, sa dalawang sunod na taon ang bumago sa nasabing script sa pelikula.
Sa halip na si King Kong o alin mang giant monster, dalawang hubad na higanteng Buddha ang lumitaw na naghuhuntahan habang ang isa ay inaakyat ang pamosong kainaan.
Ang punto ng eskultura ay mula sa sinaunang kuwento ng mga Intsik na may kaugnayan sa ‘pagsampa ni Buddha sa pader’ ng isang gusali. Ang siste, naaamoy ng isang Buddhist monk ang samyo ng masarap na sopas kaya biglang nakaramdam ng matinding pagnanasa na matikman ito. At para makapunta sa kusina, kailangan akyatin niya ang mataas na pader.
Sa konklusyon ng kuwento, naging paniniwala ng Buddhist monk na kahit si Buddha ay gagawin din ang gayon para matikman ang masarap na sopas.
Kaya ngayon pagpasok ng bagong taon ay naging ideya ng sikat na hot-pot restaurant sa Jinan, sa mataong shopping district ng kabisera ng Shandong province na magpagawa ng dalawang Buddha.
Naghahain ang nasabing kainan ng isang luxury dish na may kahintulad na pangalan sa nasabing alamat. Sinasangkapan ito ng exotic ingredients tulad ng abalone, pinatuyong scallops, sea cucumbers, at isda.
Sa kasawiang palad lang, hindi nagawang masiyahan nang husto ang mga may-ari ng restawran sa inaning atensi-yon ng kanilang mga eskultura. Naeskandalo ang mga Zen Buddhist at agad na kumalat ang kanilang opinion sa buong Weibo. Sa loob ng limang araw, isang kautusan ang inilabas ng city council ng Jihan para gibain ang dalawang eskultura ng hubad na mga Buddha.
Ngunit naulit pa rin ang pagpapatayo ng mga eskultura na may pagkakaiba—ang 2016 incarnation nito ay may ibang pose at parehong may buhok na ngayon.
ni Tracy Cabrera